Job 17

1“Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang hininga ko. Nakahanda na ang libingan para sa akin. 2Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain. 3O Dios, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin. 4Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan para hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagan na magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin. 5Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan para magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap
paghihirap: sa literal, pagkabulag.
ng kanyang mga anak.

6“Ginawa akong katawa-tawa ng Dios sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko. 7Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino. 8Ang mga taong nag-iisip na sila ay matuwid ay nagtataka sa nangyaring ito sa akin. Akala nilaʼy masama ako at hindi makadios. 9Para sa kanila ang matuwid ay matatag ang pamumuhay at lalo pang nagiging matatag. 10Pero hinahamon ko sila na minsan pa nila akong siyasatin. At tiyak na matutuklasan kong wala kahit isa sa kanila ang nakakaunawa. 11Malapit nang matapos ang mga araw ko. Bigo ang mga plano koʼt hinahangad. 12Pero sinasabi ng iba na baka sakaling maging mabuti rin ang kalagayan ko sa hinaharap, dahil sa kabila raw ng dilim ay may liwanag. 13Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa, doon ito sa lugar ng mga patay kung saan ako titira. At nais ko nang ilagay ang higaan ko sa madilim na lugar na iyon. 14Ituturing kong ama ang libingan ko at ang mga uod ang siya kong ina at babaeng kapatid. 15May pag-asa pa kaya ako? Sinong makapagsasabi na may pag-asa pa ako? 16Kasama kong malilibing ang pag-asa ko. Magkakasama kami roon sa ilalim ng lupa.”

Copyright information for TglASD