Job 30

1“Pero ngayon, kinukutya na ako ng mga mas bata sa akin, na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan. Mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga aso kong tagapagbantay ng aking kawan kaysa sa kanila. 2Ano bang makukuha ko sa mga taong ito na mahihina at talagang wala ng lakas? 3Payat na payat sila dahil sa labis na kahirapan at gutom. Kahit gabi ay nagkakaykay sila ng mga lamang-lupa sa ilang para may makain. 4Binubunot nila at kinakain ang mga tanim sa ilang pati na ang ugat ng punong enebro. 5Tinataboy sila palayo sa kanilang mga kababayan at sinisigawan na parang mga magnanakaw. 6Tumitira sila sa mga lambak, sa malalaking bitak ng bato at mga lungga sa lupa. 7Para silang mga hayop na umaalulong sa kagubatan at nagsisiksikan sa ilalim ng maliliit na punongkahoy. 8Wala silang halaga, walang nakakakilala at pinalayas pa sa kanilang lupain.

9“At ngayon, paawit pa kung kutyain ako ng kanilang mga anak at naging katatawanan pa ako sa kanila. 10Namumuhi sila at umiiwas sa akin. Hindi sila nangingiming duraan ako sa mukha. 11Ngayong pinanghina ako at pinahirapan ng Dios, ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin. 12Nilusob ako ng masasamang ito at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan. Talagang pinagsisikapan nila akong ipahamak. 13Sinisira nila ang dadaanan ko para ipahamak ako. At nagtatagumpay sila kahit walang tumutulong sa kanila. 14Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader. 15Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap. 16At ngayon ay parang mamamatay na ako; walang tigil ang aking paghihirap. 17Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko at hindi nawawala ang sakit nito. 18Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Dios, sinunggaban niya ako, hinawakan sa kwelyo, 19at inihagis sa putik. Naging parang alikabok at abo na lang ako.

20O Dios, humingi ako ng tulong sa inyo pero hindi kayo sumagot. Tumayo pa ako sa presensya nʼyo pero tiningnan nʼyo lang ako. 21Naging malupit kayo sa akin. Pinahirapan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 22Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin at ipinasalanta sa bagyo. 23Alam kong dadalhin nʼyo ako sa lugar ng mga patay, ang lugar na itinakda para sa lahat ng tao.

24“Tiyak na wala akong sinaktang taong naghihirap at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan. 25Iniyakan ko pa nga ang mga taong nahihirapan, at ang mga dukha. 26Ngunit nang ako naman ang umasang gawan ng mabuti, masama ang ginawa sa akin. Umasa ako ng liwanag pero dilim ang dumating sa akin. 27Walang tigil na nasasaktan ang aking damdamin. Araw-araw paghihirap ang dumarating sa akin. 28Umitim ang balat ko hindi dahil sa init ng araw kundi sa aking karamdaman. Tumayo ako sa harap ng kapulungan at humingi ng tulong. 29Ang boses koʼy parang alulong ng asong-gubat o huni ng kuwago. 30Umitim ang balat koʼt natutuklap, at inaapoy ako ng lagnat. 31Kaya naging malungkot ang tugtugin ng aking alpa at plauta.

Copyright information for TglASD