2 Samuel 22
1At sinalita ni David ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas ng Panginoon siya sa kamay ng lahat ng kaniyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul. 2At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y aking malaking bato at aking katibayan, at tagapagligtas sa akin, sa makatuwid baga'y akin; 3Ang Dios, ang aking malaking bato, na sa kaniya ako'y manganganlong: Aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog at ampunan sa akin; Tagapagligtas sa akin, ikaw ang nagliligtas sa akin sa karahasan. 4Ako'y tatawag sa Panginoon na karapatdapat purihin: Sa ganya'y maliligtas ako sa aking mga kaaway. 5Sapagka't ang mga alon ng kamatayan ay kumulong sa akin; Ang mga baha ng kalikuan ay tumakot sa akin. 6Ang mga panali ng Sheol ay lumibid sa akin: Ang mga silo ng kamatayan ay nagsisapit sa akin. 7Sa aking pagkahapis ay tumawag ako sa Panginoon; Oo, ako'y tumawag sa aking Dios: At kaniyang dininig ang aking tinig mula sa kaniyang templo, At ang aking daing ay sumapit sa kaniyang mga pakinig. 8Nang magkagayo'y umuga ang lupa at nayanig. Ang mga pinagtitibayan ng langit ay nangakilos. At nangauga, sapagka't siya'y nagalit. 9Umilanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, At apoy na mula sa kaniyang bibig ay nanupok: Mga baga ay nagalab sa pamamagitan niyaon. 10Kaniyang pinayukod din naman ang langit at bumaba: At salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa. 11At siya'y sumakay sa isang querubin at lumipad: Oo, siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin. 12At ang kadiliman ay kaniyang ginawang mga kulandong sa palibot niya. Na nagpisan ng tubig, ng masisinsing alapaap sa langit. 13Sa kaningningan sa harap niya Mga bagang apoy ay nagsipagalab. 14Ang Panginoo'y kumulog sa langit, At ang Kataastaasan ay nagbigkas ng tinig niya. 15At nagpahilagpos ng mga palaso, at pinangalat niya sila; Kumidlat, at nangatulig sila. 16Nang magkagayo'y ang mga kalaliman sa dagat ay nangalitaw, Ang mga pinagtibayan ng sanglibutan ay nangakita. Dahil sa saway ng Panginoon, Sa hihip ng hinga ng kaniyang mga butas ng ilong. 17Siya'y nagsugo mula sa itaas, kaniyang kinuha ako; kaniyang kinuha ako sa maraming tubig; 18Kaniyang iniligtas ako sa aking malakas na kaaway, Sa nangagtatanim sa akin; sapagka't sila'y totoong malakas kay sa akin. 19Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng sakuna ko: Nguni't ang Panginoon ay siyang alalay sa akin. 20Kaniyang dinala din ako sa maluwang na dako: Kaniyang iniligtas ako, sapagka't kaniyang kinalugdan ako. 21Ginanti ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran: Ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kaniyang ginanti ako. 22Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon, At hindi ako humiwalay na may kasamaan sa aking Dios. 23Sapagka't ang lahat niyang kahatulan ay nasa harap ko: At tungkol sa kaniyang mga palatuntunan ay hindi ko hiniwalayan. 24Ako rin nama'y sakdal sa harap niya, At iningatan ko ang aking sarili mula sa kasamaan. 25Kaya't ginanti ng Panginoon ako ayon sa aking katuwiran; Ayon sa aking kalinisan sa kaniyang paningin. 26Sa maawain ay magpapakamaawain ka; Sa sakdal ay magpapakasakdal ka; 27Sa dalisay ay magpapakadalisay ka; At sa mga walang payo ay magwawalang payo ka. 28At ang nagdadalamhating bayan ay iyong ililigtas: Nguni't ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas, upang iyong papagpakumbabain. 29Sapagka't ikaw ang aking ilawan, Oh Panginoon: At liliwanagan ng Panginoon ang aking kadiliman. 30Sapagka't sa pamamagitan mo ay aking tatakbuhin ang pulutong: Sa pamamagitan ng aking Dios ay aking luluksuhin ang kuta. 31Tungkol sa Dios, ang kaniyang lakad ay sakdal; Ang salita ng Panginoon ay subok; Siya'y kalasag sa lahat ng sa kaniya'y kumakanlong. 32Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon? At sino ang malaking bato liban sa ating Dios? 33Ang Dios ay aking matibay na katibayan: At pinapatnubayan niya ang sakdal sa kaniyang lakad. 34Kaniyang ginagawa ang mga paa niya na gaya ng sa mga usa; At inilalagay niya ako sa aking matataas na dako. 35Kaniyang tinuturuan ang aking mga kamay ng pakikidigma. Na anopa't binabaluktok ng aking mga kamay ang busog na tanso. 36Binigyan mo rin ako ng kalasag mong pangligtas: At pinadakila ako ng iyong kaamuan. 37Iyong pinalaki ang aking mga hakbang sa tinutungtungan ko, At ang aking mga paa ay hindi nadulas. 38Aking hinabol ang aking mga kaaway at akin silang pinapagpapatay; Ni hindi ako bumalik uli hanggang sa sila'y nalipol. 39At aking pinaglilipol, at aking pinagsasaktan sila, na anopa't sila'y hindi nangakabangon: Oo, sila'y nangabuwal sa paanan ko. 40Sapagka't ako'y binigkisan mo ng kalakasan sa pagbabaka: Iyong pinasuko sa akin yaong nagsisibangon laban sa akin. 41Iyo ring pinatalikod sa akin ang aking mga kaaway, Upang aking mangaihiwalay ang nangagtatanim sa akin. 42Sila'y nagsitingin, nguni't walang mangagligtas: Sa Panginoon, nguni't hindi niya sinagot sila. 43Nang magkagayo'y pinagbabayo ko sila na gaya ng alabok sa lupa; Aking pinagyurakan sila na gaya ng putik sa mga lansangan, at akin silang pinapangalat. 44Iniligtas mo rin ako sa mga pakikipagtalo sa aking bayan: Iningatan mo ako na maging pangulo sa mga bansa; Ang bayan na hindi ko nakilala ay maglilingkod sa akin. 45Ang mga taga ibang lupa ay magsisisuko sa akin. Pagkarinig nila tungkol sa akin, sila'y magsisitalima sa akin. 46Ang mga taga ibang lupa ay manganglulupaypay, At magsisilabas na nanganginginig sa kanilang mga kublihan. 47Ang Panginoon ay buhay; at purihin nawa ang aking malaking bato; At itanghal nawa ang Dios na malaking bato ng aking kaligtasan, 48Sa makatuwid baga'y ang Dios na ipinanghihiganti ako. At pinangangayupapa sa akin ang mga bayan, 49At inilalabas ako sa aking mga kaaway: Oo, iyong pinapangingibabaw ako sa kanila na nagsisibangon laban sa akin: Inililigtas mo ako sa marahas na lalake. 50Kaya't pasasalamat ako sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bansa, At aawit ako ng mga pagpuri sa iyong pangalan. 51Dakilang pagliligtas ang ibinibigay niya sa kaniyang hari: At nagmamagandang loob sa kaniyang pinahiran ng langis, Kay David at sa kaniyang binhi magpakailan man.
Copyright information for
TagAngBiblia