Daniel 10
1Nang ikatlong taon ni Ciro na hari sa Persia ay nahayag ang isang bagay kay Daniel, na ang pangala'y Beltsasar; at ang bagay ay tunay, sa makatuwid baga'y isang malaking pakikipagbaka; at kaniyang naunawa ang bagay at nagkaroon ng unawa tungkol sa pangitain. 2Nang mga araw na yao'y akong si Daniel ay nanangis na tatlong buong sanglinggo. 3Hindi ako kumain ng masarap na tinapay, ni pumasok man ang karne ni alak man sa aking bibig, ni naglangis man ako, hanggang sa natapos ang tatlong buong sanglinggo. 4At nang ikadalawang pu't apat na araw ng unang buwan, palibhasa'y ako'y nasa tabi ng malaking ilog, na siyang Hiddekel. 5Aking itiningin ang aking mga mata, at tumanaw, at narito, ang isang lalake na nakapanamit ng kayong lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng taganas na ginto sa Uphas: 6Ang kaniyang katawan naman ay gaya ng berilo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, at ang kaniyang mga mata ay gaya ng mga liwanag ng apoy, at ang kaniyang mga kamay at kaniyang mga paa, ay gaya ng kulay ng pinakintab na tanso, at ang tinig ng kaniyang mga salita ay gaya ng tinig ng isang karamihan. 7At akong si Daniel ang nakakitang magisa ng pangitaing yaon; sapagka't ang mga lalake na kasama ko ay hindi nangakakita ng pangitain; kundi sumakanila ang isang di kawasang panginginig, at sila'y nagsitakas upang magsikubli. 8Sa gayo'y iniwan akong magisa, at nakakita nitong dakilang pangitain, at nawalan ako ng lakas; sapagka't ang aking kagandahan ay umuwi sa kasiraan at walang nanatiling lakas sa akin. 9Gayon ma'y narinig ko ang tinig ng kaniyang mga salita; at nang aking marinig ang tinig ng kaniyang mga salita, ako nga'y nagupiling sa isang mahimbing na pagkakatulog, na ang aking mukha ay pasubsob. 10At, narito, isang kamay ay humipo sa akin, na nagtayo sa akin sa aking mga tuhod at sa mga palad ng aking mga kamay. 11At sinabi niya sa akin, Oh Daniel, ikaw na lalaking minamahal na mainam, unawain mo ang mga salita na aking sinasalita sa iyo, at tumayo kang matuwid; sapagka't sa iyo'y sinugo ako ngayon. At ng kaniyang masalita ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig. 12Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Huwag kang matakot, Daniel; sapagka't mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong puso na makaunawa, at magpakababa sa harap ng iyong Dios, ang iyong mga salita ay dininig: at ako'y naparito alangalang sa iyong mga salita. 13Nguni't ang prinsipe ng kaharian ng Persia ay nakipagpunyagi sa akin na dalawang pu't isang araw; nguni't, narito, si Miguel ay isa sa mga punong prinsipe, dumating upang tulungan ako: at ako'y natira doon na kasama ng mga hari sa Persia. 14Ngayo'y naparito ako upang ipatalastas sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw; sapagka't ang pangitain ay ukol sa maraming mga araw pa. 15At nang kaniyang masalita sa akin ang ayon sa mga salitang ito, ay aking itinungo ang aking mukha sa lupa, at ako'y napipi. 16At, narito, isang gaya ng kahawig ng mga anak ng mga tao ay humipo ng aking mga labi: nang magkagayo'y ibinuka ko ang aking bibig, at ako'y nagsalita, at nagsabi sa kaniya na tumayo sa harap ko, Oh panginoon ko, dahil sa pangitain ay nagbalik sa akin ang aking mga kapanglawan, at hindi nananatili sa akin ang lakas. 17Sapagka't paanong makikipagusap ang lingkod nitong aking panginoon sa panginoon kong ito? sapagka't tungkol sa akin, ay biglang nawalan ako ng lakas, ni may naiwan mang hininga sa akin. 18Nang magkagayo'y hinipo uli ako roon ng isa na kamukha ng tao, at kaniyang pinalakas ako. 19At kaniyang sinabi, Oh taong minamahal na mainam, huwag kang matakot: kapayapaan ang sumaiyo, magpakalakas ka, oo, magpakalakas ka. At nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas, at nagsabi, Magsalita ang aking panginoon; sapagka't iyong pinalakas ako. 20Nang magkagayo'y sinabi niya, Talastas mo baga kung bakit ako'y naparito sa iyo? at ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa prinsipe sa Persia: at pagka ako'y lumabas, narito, ang prinsipe sa Grecia ay darating. 21Nguni't aking sasaysayin sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng katotohanan: at walang sinomang tutulong sa akin laban sa mga ito, kundi si Miguel na inyong prinsipe.
Copyright information for
TagAngBiblia