‏ Ephesians 3

1Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil, 2Kung tunay na inyong narinig yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo; 3Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita. 4Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo; 5Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu; 6Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio, 7Na dito'y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan. 8Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo; 9At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay; 10Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios, 11Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin: 12Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya. 13Kaya nga ipinamamanhik ko na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, na pawang kapurihan ninyo. 14Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, 15Na sa kaniya'y kumukuha ng pangalan ang bawa't sangbahayan sa langit at sa lupa, 16Upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob; 17Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo'y magugat at magtumibay sa pagibig. 18Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim, 19At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios. 20Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin, 21Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa.
Copyright information for TagAngBiblia