‏ Exodus 14

1At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, 2Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y bumalik at humantong sa tapat ng Pi-hahiroth, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baalzephon: sa tapat niyaon hahantong kayo, sa tabi ng dagat. 3At sasabihin ni Faraon tungkol sa mga anak ni Israel: Nangasisilo sila sa lupain, sila'y naliligid ng ilang. 4At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at kaniyang hahabulin sila at kayo'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa lahat niyang hukbo; at malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon. At kanilang ginawang gayon. 5At nasabi sa hari sa Egipto, na ang bayan ay tumakas: at ang puso ni Faraon at ng kaniyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa bayan, at kanilang sinabi, Ano itong ating ginawa, na ating pinayaon ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran? 6At inihanda ni Faraon ang kaniyang karro, at kaniyang ipinagsama ang kaniyang bayan: 7At siya'y nagdala ng anim na raang piling karro, at lahat ng mga karro sa Egipto, at ng mga kapitan na namumuno sa lahat ng mga yaon. 8At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon na hari sa Egipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nagsialis na may lubos na pagkakatiwala. 9At hinabol sila ng mga Egipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karro ni Faraon, at ng kaniyang mga taong mangangabayo, at ng kaniyang hukbo, at inabutan sila noong nakahantong sa tabi ng dagat, na nasa siping ng Pi-hahirot, sa tapat ng Baal-zefon. 10At nang si Faraon ay nalalapit, ay itiningin ng mga anak ni Israel ang kanilang mga mata, at, narito, ang mga Egipcio ay sumusunod sa kanila; at sila'y natakot na mainam: at ang mga anak ni Israel ay humibik sa Panginoon. 11At kanilang sinabi kay Moises, Dahil ba sa walang libingan sa Egipto, kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang? bakit ka gumawa ng ganito sa amin, na inilabas mo kami sa Egipto? 12Di ba ito ang sinalita namin sa iyo sa Egipto, na sinasabi, Pabayaan mo kami na makapaglingkod sa mga Egipcio? Sapagka't lalong mabuti sa amin ang maglingkod sa mga Egipcio kay sa kami ay mamatay sa ilang. 13At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagka't ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man. 14Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo'y tatahimik. 15At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon. 16At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo. 17At ako, narito, aking papagmamatigasin ang puso ng mga Egipcio at susundan nila sila: at ako'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa buo niyang hukbo, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo. 18At malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon, pagka ako ay nakapagimbot ng karangalan kay Faraon, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo. 19At ang anghel ng Dios na nasa unahan ng kampamento ng Israel, ay humiwalay at napasa hulihan nila; at ang haliging ulap ay humiwalay sa harap nila at lumagay sa likod nila: 20At lumagay sa pagitan ng kampamento ng Egipto at ng kampamento ng Israel; at mayroong ulap at kadiliman, gayon ma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag. 21At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat; at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silanganan ng buong magdamag, at ang dagat ay pinapaging tuyong lupa at ang tubig ay nahawi. 22At ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa: at ang tubig ay naging isang kuta sa kanila, sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. 23At hinabol sila ng mga Egipcio, at nagsipasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga karro, at ang kaniyang mga nangangabayo. 24At nangyari, sa pagbabantay sa kinaumagahan, na minasdan ng Panginoon ang hukbo ng mga Egipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Egipcio. 25At inalisan ng gulong ang kanilang mga karro, na kanilang hinila ng buong hirap: na ano pa't sinabi ng mga Egipcio, Tumakas tayo sa harap ng Israel: sapagka't ipinakikipaglaban sila ng Panginoon sa mga Egipcio. 26At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dagat, upang ang tubig ay tumabon sa mga Egipcio, sa kanilang mga karro, at sa kanilang mga nangangabayo. 27At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dagat, at ang dagat ay nagsauli sa kaniyang dating lakas, nang umumaga; at ang mga Egipcio ay nagsitakas, at nilaginlin ng Panginoon ang mga Egipcio sa gitna ng dagat. 28At ang tubig ay nagsauli, at tinakpan ang mga karro, at ang mga nangangabayo, sa makatuwid baga'y ang buong hukbo ni Faraon na pumasok na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila. 29Datapuwa't ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig sa kanila ay naging isang kuta sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. 30Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel ng araw na yaon sa kamay ng mga Egipcio; at nakita ng Israel ang mga Egipcio na mga patay sa tabi ng dagat. 31At nakita ng Israel ang dakilang gawa, na ginawa ng Panginoon sa mga Egipcio, at ang bayan ay natakot sa Panginoon: at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kaniyang lingkod na kay Moises.
Copyright information for TagAngBiblia