Ezekiel 20
1At nangyari nang ikapitong taon, nang ikalimang buwan, nang ikasangpu ng buwan, na ang ilan sa mga matanda ng Israel ay nagsiparoon na sumangguni sa Panginoon, at nagsiupo sa harap ko. 2At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, 3Anak ng tao, salitain mo sa mga matanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo baga'y naparito upang sumangguni sa akin? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ako mapagsasanggunian ninyo. 4Hahatulan mo baga sila, anak ng tao, hahatulan mo baga sila? Ipakilala mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga magulang; 5At sabihin mo sa kanila; Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na aking piliin ang Israel, at itaas ko ang aking kamay sa lahi ng sangbahayan ni Jacob, at pakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto, na iginawad ko ang aking kamay sa kanila na sinabi, Ako ang Panginoon ninyong Dios; 6Nang araw na yaon ay iginawad ko ang aking kamay sa kanila, upang ilabas ko sila sa lupain ng Egipto, na dalhin sa lupain na aking itinaan sa kanila na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain. 7At sinabi ko sa kanila, Itakuwil ng bawa't isa sa inyo ang mga bagay na kasuklamsuklam sa kaniyang mga mata, at huwag kayong mangahawa sa mga diosdiosan ng Egipto; ako ang Panginoon ninyong Dios. 8Nguni't sila'y nanghimagsik laban sa akin, at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawa't isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga mata, o nilimot man nila ang mga diosdiosan sa Egipto. Nang magkagayo'y sinabi kong aking ibubuhos sa kanila ang aking kapusukan, upang ganapin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Egipto. 9Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay napakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Egipto. 10Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang. 11At ibinigay ko sa kanila ang aking mga palatuntunan, at itinuro ko sa kanila ang aking mga kahatulan, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon. 12Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila. 13Nguni't ang sangbahayan ni Israel ay nanghimagsik laban sa akin sa ilang: sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, na kung gawin ng tao, ay mabubuhay sa mga yaon; at ang aking mga sabbath ay kanilang nilapastangang mainam. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila sa ilang, upang lipulin sila. 14Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay aking inilabas sila. 15Bukod dito'y iginawad ko naman ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang huwag ko silang dalhin sa lupain na aking ibinigay sa kanila, na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain; 16Sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at hindi nagsilakad ng gayon sa aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath: sapagka't ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diosdiosan. 17Gayon ma'y ang aking mata ay nagpatawad sa kanila at hindi ko sila nilipol, o ginawan ko man sila ng lubos na kawakasan sa ilang. 18At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong magsilakad ng ayon sa mga palatuntunan ng inyong mga magulang, o ingatan man ang kanilang mga kahatulan, o magpakahawa man sa kanilang mga diosdiosan: 19Ako ang Panginoon ninyong Dios: magsilakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at ingatan ninyo ang aking mga kahatulan, at inyong isagawa; 20At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios. 21Nguni't ang mga anak ay nanganghimagsik laban sa akin; sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o nangagingat man ng aking mga kahatulan upang isagawa, na kung gawin ng tao ay mabubuhay sa mga yaon: kanilang nilapastangan ang aking mga sabbath. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila, upang ganapin ang aking galit sa kanila sa ilang. 22Gayon ma'y iniurong ko ang aking kamay, gumawa ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay inilabas ko sila. 23Bukod dito'y itinaas ko ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang pangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at panabugin sila sa mga lupain; 24Sapagka't hindi nila isinagawa ang aking mga kahatulan, kundi itinakuwil ang aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakasunod sa mga diosdiosan ng kanilang mga magulang. 25Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga palatuntunan na hindi mabuti, at ng mga kahatulan na hindi nila kabubuhayan; 26At ipinariwara ko sila sa kanilang sariling mga kaloob, sa kanilang pagpaparaan sa apoy ng lahat na nangagbubukas ng bahay-bata, upang aking ipahamak sila, upang kanilang maalaman na ako ang Panginoon. 27Kaya't, anak ng tao, salitain mo sa sangbahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa ganito ma'y nilapastangan ako ng inyong mga magulang, sa kanilang pagsalangsang laban sa akin. 28Sapagka't nang dalhin ko sila sa lupain, na aking pinaggawaran ng aking kamay upang ibigay ko sa kanila, kanila ngang nakita ang lahat na mataas na burol, at lahat na mayabong na punong kahoy, at inihandog nila roon ang kanilang mga hain, at doo'y kanilang iniharap ang nakagagalit nilang handog; nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog. 29Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Anong kahulugan ng mataas na dako na inyong pinaroroonan? Sa gayo'y ang pangalan niyaon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito. 30Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nangagpakarumi baga kayo ng ayon sa paraan ng inyong mga magulang? at kayo baga'y nagpatutot ng ayon sa kanilang mga kasuklamsuklam? 31At pagka inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, pagka, inyong pinararaan sa apoy ang inyong mga anak, nangagpapakarumi baga kayo sa lahat ninyong diosdiosan hanggang sa araw na ito? at ako baga'y mapagsasanggunian ninyo, Oh sangbahayan ni Israel? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ninyo ako mapagsasanggunian; 32At ang nagmumula sa inyong pagiisip ay hindi mangyayari sa anomang paraan, sa inyong sinasabi, Kami ay magiging gaya ng mga bansa; na gaya ng mga angkan ng mga lupain upang mangaglingkod sa kahoy at bato. 33Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsalang sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubugso, ay maghahari ako sa inyo. 34At ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at pipisanin ko kayo na mula sa mga lupain, na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubuhos; 35At aking dadalhin kayo sa ilang ng mga bayan, at doo'y makikipagkatuwiranan ako sa inyo ng harapan. 36Kung paanong ako'y nakipagkatuwiranan sa inyong mga magulang sa ilang ng lupain ng Egipto, gayon ako makikipagkatuwiranan sa inyo, sabi ng Panginoong Dios. 37At pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod, at dadalhin ko kayo sa pakikipagkasundo ng tipan; 38At aking lilinisin sa gitna ninyo ang mga mapanghimagsik, at ang mga nagsisisalangsang laban sa akin; aking ilalabas sila sa lupaing kanilang pinangingibahang bayan, nguni't hindi sila magsisipasok sa lupain ng Israel: at inyong malalaman na ako ang Panginoon. 39Tungkol sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel, ganito ang sabi ng Panginoong Dios; magsiyaon kayo, maglingkod bawa't isa sa kaniyang mga diosdiosan, at sa haharapin man, kung hindi ninyo ako didinggin; nguni't ang aking banal na pangalan ay hindi na ninyo lalapastanganin ng inyong mga kaloob, at ng inyong mga diosdiosan. 40Sapagka't sa aking banal na bundok, sa bundok na kaitaasan ng Israel, sabi ng Panginoong Dios, doon ako paglilingkuran sa lupain ng buong sangbahayan ni Israel, nilang lahat: doo'y tatanggapin ko sila, at doon ko hihingin ang inyong mga handog, at ang mga unang bunga na inyong mga alay, sangpu ng lahat ninyong banal na bagay. 41Parang masarap na amoy na tatanggapin ko kayo, pagka kayo'y aking naihiwalay sa mga bayan, at napisan ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan; at ako'y ipaari ninyong banal sa paningin ng mga bansa. 42At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka kayo'y aking ipapasok sa lupain ng Israel, sa lupain na aking pinagtaasan ng aking kamay upang ibigay sa inyong mga magulang. 43At doo'y maaalaala ninyo ang inyong mga lakad, at lahat ng inyong gawa, na inyong pinagpakadumhan; at inyong kayayamutan ang inyong sarili sa inyong sariling paningin dahil sa lahat ninyong kasamaan na inyong ginawa. 44At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y nakagawa na sa inyo alangalang sa aking pangalan, hindi ayon sa inyong mga masamang lakad, o ayon sa inyong mga masamang gawa man, Oh ninyong sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios. 45At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, 46Anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha sa dakong timugan, at magbadya ka ng iyong salita sa dakong timugan, at manghula ka laban sa gubat ng parang sa Timugan; 47At sabihin mo sa gubat ng Timugan, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking papagniningasin ang isang apoy sa iyo, at susupukin ang bawa't sariwang punong kahoy sa iyo, at ang bawa't tuyong punong kahoy: ang maalab na liyab at hindi mapapatay, at ang lahat na mukha na mula sa timugan hanggang sa hilagaan ay masusunog sa liyab. 48At malalaman ng lahat ng tao na akong Panginoon ang nagpaalab niyaon; hindi mapapatay. 49Nang magkagayo'y sinabi ko: Ah Panginoong Dios! sinasabi nila sa akin, Hindi baga siya'y mapagsalita ng mga talinghaga?
Copyright information for
TagAngBiblia