Ezekiel 23
1Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin na nagsasabi: 2Anak ng tao, may dalawang babae, na mga anak na babae ng isang ina: 3At sila'y nagpatutot sa Egipto; sila'y nagpatutot sa kanilang kadalagahan: doo'y nangahigpit ang kanilang mga dibdib, at doo'y nangahipo ang mga suso ng kanilang pagkadalaga. 4At ang mga pangalan nila ay Ohola ang matanda, at Oholiba ang kapatid niya: at sila'y naging akin at nanganak ng mga lalake at babae. At tungkol sa kanilang mga pangalan, Samaria ay Ohola, at Jerusalem ay Oholiba. 5At si Ohola ay nagpatutot nang siya'y akin; at siya'y suminta sa mga mangingibig sa kaniya, sa mga taga Asiria na kaniyang mga kalapit bayan. 6Na nananamit ng kulay asul, ang mga tagapamahala at ang mga pinuno, silang lahat na binatang makisig, mga mangangabayo na nangakasakay sa mga kabayo. 7At ipinagkaloob niya sa kanila ang kaniyang pakikiapid, sa mga pinaka piling lalake sa Asiria sa kanilang lahat; at sa sino man na inibig niya, sa lahat nilang diosdiosan, ay nadumhan siya. 8Ni hindi man niya iniwan ang kaniyang mga pagpapatutot mula sa mga kaarawan ng Egipto, sapagka't sa kaniyang kadalagahan, sila'y sumisiping sa kaniya, at nangahipo nila ang mga suso ng kaniyang pagkadalaga; at kanilang ibinuhos ang kanilang pagpapatutot sa kaniya. 9Kaya't ibinigay ko siya sa kamay ng mga mangingibig sa kaniya, sa kamay ng mga taga Asiria, na siya niyang mga inibig. 10Ang mga ito ang nangaglitaw ng kaniyang kahubaran; kinuha nila ang kaniyang mga anak na lalake at babae; at siya'y pinatay nila ng tabak: at siya'y naging kakutyaan sa mga babae; sapagka't sila'y naglapat ng mga kahatulan sa kaniya. 11At nakita ito ng kaniyang kapatid na si Oholiba, gayon ma'y siya'y higit na napahamak sa kaniyang pagibig kay sa kaniya, at sa kaniyang mga pagpapatutot na higit kay sa mga pagpapatutot ng kaniyang kapatid. 12Siya'y umibig sa mga taga Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno, sa kaniyang mga kalapit bayan, na nararamtan ng mga pinakamahusay, sa mga nangangabayo na nakasakay sa mga kabayo, silang lahat ay mga binatang makisig. 13At aking nakita na siya'y nadumhan; na sila kapuwa ay nagisang daan. 14At kaniyang pinalago ang kaniyang mga pagpapatutot; sapagka't siya'y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga panig, na mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan ng bermillon, 15Na nangabibigkisan sa kanilang mga balakang, na mga may lumilipad na turbante sa kanilang mga ulo, silang lahat ay parang mga prinsipe ayon sa wangis ng mga taga Babilonia sa Caldea, na lupain na kanilang kinapanganakan. 16At pagkakita niya sa kanila ay inibig niya agad sila, at nagsugo ng mga sugo sa kanila sa Caldea. 17At sinipingan siya ng mga taga Babilonia sa higaan ng pagibig, at kanilang dinumhan siya ng kanilang pagpapatutot, at siya'y nahawa sa kanila, at ang kaniyang kalooban ay tinabangan sa kanila. 18Sa gayo'y inilitaw niya ang kaniyang mga pagpapatutot, at inilitaw niya ang kaniyang kahubaran: nang magkagayo'y tinabangan ang aking kalooban sa kaniya, na gaya ng pagkatabang ng aking kalooban sa kaniyang kapatid. 19Gayon ma'y kaniyang pinarami ang kaniyang mga pakikiapid, na inalaala ang mga kaarawan ng kaniyang kadalagahan, na kaniyang ipinagpatutot sa lupain ng Egipto, 20At siya'y umibig sa mga nagsisiagulo sa kaniya, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang lumalabas sa mga kabayo. 21Ganito mo inalaala ang kahalayan ng iyong kadalagahan, sa pagkahipo ng iyong mga suso ng mga taga Egipto dahil sa mga suso ng iyong kadalagahan. 22Kaya, Oh Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Narito, aking ibabangon ang mga mangingibig sa iyo laban sa iyo, na siyang pinagsawaan ng iyong kalooban, at aking dadalhin sila laban sa iyo sa lahat ng dako: 23Ang mga taga Babilonia at lahat ng Caldeo, ang Pekod, at ang Soa, at ang Coa, at lahat ng taga Asiria na kasama nila; na mga binatang makisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga prinsipe, at mga lalaking bantog, silang lahat ay nagsisisakay sa mga kabayo. 24At sila'y magsisiparitong laban sa iyo na ma'y mga almas, mga karo, at mga kariton, at may kapulungan ng mga tao; sila'y magsisilagay laban sa iyo sa palibot na may longki, at kalasag at turbante; at aking ipauubaya ang kahatulan sa kanila, at sila'y magsisihatol sa iyo ayon sa kanilang mga kahatulan. 25At aking ilalagak ang aking paninibugho laban sa iyo, at sila'y magsisigawa sa iyo sa kapusukan; kanilang pipingusin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga; at ang nalabi sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak: kanilang kukunin ang iyong mga anak na lalake at babae; at ang nalabi sa iyo ay susupukin sa apoy, 26Kanila rin namang huhubaran ka ng iyong mga suot, at dadalhin ang iyong mga magandang hiyas. 27Ganito ko patitigilin sa iyo ang iyong kahalayan, at ang iyong pagpapatutot na dinala mula sa lupain ng Egipto: na anopa't hindi mo ididilat ang iyong mga mata sa kanila, o aalalahanin mo pa man ang Egipto kailan man. 28Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ibibigay kita sa kamay ng mga ipinagtatanim mo, sa kamay ng mga pinagsawaan ng iyong kalooban; 29At hahatulan ka nila na may pagtatanim, at aalisin ang lahat ng iyong kayamanan, at iiwan kang hubad at hubo: at ang sala mong pagpapatutot ay malilitaw, ang iyong kahalayan at gayon din ang iyong mga pagpapatutot. 30Ang mga bagay na ito ay gagawin sa iyo, sapagka't ikaw ay nagpatutot sa mga bansa, at sapagka't ikaw ay nadumhan sa kanilang mga diosdiosan. 31Ikaw ay lumakad sa lakad ng iyong kapatid; kaya't ibibigay ko ang kaniyang saro sa iyong kamay. 32Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ikaw ay iinom sa saro ng iyong kapatid, na malalim at malaki: ikaw ay tatawanan na pinakatuya at pinaka kadustaan; maraming laman. 33Ikaw ay lubhang malalasing at mamamanglaw, sa pamamagitan ng sarong katigilan at kapahamakan, sa pamamagitan ng saro ng iyong kapatid na Samaria. 34Iyo ngang iinumin at tutunggain, at iyong hahaluin ang labo niyaon, at sasaktan ang iyong dibdib; sapagka't aking sinalita, sabi ng Panginoong Dios. 35Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ako'y iyong nilimot, at tinalikdan mo ako, taglayin mo nga rin ang iyong kahalayan at ang iyong mga pakikiapid. 36Sinabi ng Panginoon sa akin bukod dito: Anak ng tao: hahatulan mo baga si Ohola at si Oholiba? ipakilala mo sa kanila ang kanilang mga kasuklamsuklam. 37Sapagka't sila'y nagkasala ng pangangalunya, at dugo ay nasa kanilang mga kamay; at sa kanilang mga diosdiosan ay nagsisamba; at kanila namang pinaraan sa apoy upang masupok ang kanilang mga anak, na kanilang ipinanganak sa akin. 38Bukod dito'y ginawa nila ito sa akin: kanilang nilapastangan ang aking santuario sa araw ding yaon, at nilapastangan ang aking mga sabbath. 39Sapagka't nang kanilang patayin ang kanilang mga anak para sa kanilang mga diosdiosan, nagsiparoon nga sila nang araw ding yaon sa aking santuario upang lapastanganin; at, narito, ganito ang kanilang ginawa sa gitna ng aking bahay. 40At bukod dito ay inyong ipinasundo ang mga taong nangagmumula sa malayo, na siyang mga ipinasundo sa sugo, at, narito, sila'y nagsisidating; na siyang dahil ng iyong ipinaligo, at ipinagkulay mo ng iyong mga mata, at pinaggayakan mo ng mga gayak; 41At naupo ka sa isang mainam na higaan, na may dulang na nakahanda sa harap niyaon, na siya mong pinaglapagan ng aking kamangyan at aking langis. 42At ang tinig ng pulutong na tiwasay ay nasa kaniya: at nadala na kasama ng mga lalake sa mga karaniwan ang mga manglalasing na mula sa ilang; at sila'y nangaglagay ng mga pulsera sa mga kamay nila, at mga magandang putong sa kanilang mga ulo. 43Nang magkagayo'y sinabi ko sa kaniya na tumanda sa mga pangangalunya, Ngayon mangakikiapid pa sila sa kaniya, at siya sa kanila. 44At sinipingan nila siya, na parang sumiping sa isang patutot: gayon nila sinipingan si Ohola at si Oholiba, na malibog na mga babae. 45At mga matuwid na tao ang hahatol sa kanila ng kahatulan sa mangangalunya, at ng kahatulan sa mga babae na nagbubo ng dugo; sapagka't sila'y mangangalunya, at dugo ang nasa kanilang mga kamay. 46Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ako'y magsasampa ng isang kapulungan laban sa kanila, at ibibigay ko sila upang ligaliging paroo't parito at samsaman. 47At babatuhin sila ng kapulungan, ng mga bato, at tatagain sila ng kanilang mga tabak; papatayin nila ang kanilang mga anak na lalake at babae, at susunugin ng apoy ang kanilang mga bahay. 48Ganito ko patitigilin ang kahalayan sa lupain, upang ang lahat na babae ay maturuan na huwag magsigawa ng ayon sa inyong mga kahalayan. 49At gagantihin nila ang inyong kahalayan sa inyo, at inyong dadanasin ang mga kasalanan tungkol sa inyong mga diosdiosan, at inyong malalaman na ako ang Panginoong Dios.
Copyright information for
TagAngBiblia