Genesis 12
1Sinabi nga ng Panginoon kay Abram, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong mga kamaganak, at sa bahay ng iyong ama, na ikaw ay pasa lupaing ituturo ko sa iyo: 2At gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran: 3At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo: at pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa. 4Kaya't yumaon si Abram, ayon sa sinalita sa kaniya ng Panginoon; at si Lot ay sumama sa kaniya: at si Abram ay may pitong pu't limang taon, nang umalis sa Haran. 5Isinama ni Abram si Sarai na kaniyang asawa, at si Lot na anak ng kaniyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at nagsialis upang pasa lupain ng Canaan; at dumating sa lupain ng Canaan. 6At naglakbay sa lupain si Abram hanggang sa dako ng Sichem, hanggang sa punong encina ng More. At noo'y nasa lupaing yaon ang Cananeo, 7At napakita ang Panginoon kay Abram, at nagsabi, Sa iyong lahi ay ibibigay ko ang lupaing ito: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na napakita sa kaniya. 8At mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silanganan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kaniyang tolda, na nasa kalunuran ang Bethel, at nasa silanganan ang Hai: at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at sinambitla ang pangalan ng Panginoon. 9At si Abram ay naglakbay na nagtuloy sa dakong Timugan. 10At nagkagutom sa lupaing yaon: at bumaba si Abram na nasok sa Egipto, upang manirahan doon; sapagka't mahigpit ang kagutom sa lupain. 11At nangyari, nang siya'y malapit nang papasok sa Egipto, ay sinabi niya kay Sarai na kaniyang asawa, Narito, ngayon, talastas kong ikaw ay magandang babae sa tingin: 12At mangyayari na pag makikita ka ng mga Egipcio, ay kanilang sasabihin, Ito'y kaniyang asawa; at ako'y kanilang papatayin, datapuwa't kanilang ililigtas kang buhay. 13Isinasamo ko sa iyo, na sabihin mong ikaw ay aking kapatid, upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang kaluluwa ko'y mabuhay dahil sa iyo. 14At nangyari, nang pumasok si Abram sa Egipto, nakita ng mga Egipcio, na ang babae ay napakaganda. 15At nakita siya ng mga prinsipe ni Faraon, at kanilang pinuri siya kay Faraon: at dinala ang babae sa bahay ni Faraon. 16At pinagpakitaan nito ng magandang loob si Abram dahil sa kaniya: at nagkaroon si Abram ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga asno, at ng mga aliping lalake at mga alilang babae, at ng mga asna, at ng mga kamelyo, 17At sinalot ng Panginoon si Faraon at ang kaniyang sangbahayan, ng malaking pagsalot dahil kay Sarai na asawa ni Abram. 18At tinawag ni Faraon si Abram, at sinabi, Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo ipinahayag sa akin na siya'y iyong asawa? 19Bakit sinabi mong siya'y aking kapatid? na ano pa't siya'y aking kinuha upang maging asawa: ngayon nga'y nariyan ang iyong asawa; siya'y kunin mo at yumaon ka. 20At nagbilin si Faraon sa mga tao tungkol sa kaniya: at siya'y kanilang inihatid sa daan, at ang kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang pag-aari.
Copyright information for
TagAngBiblia