‏ Genesis 7

1At sinabi ng Panginoon kay Noe, Lumulan ka at ang iyong buong sangbahayan sa sasakyan; sapagka't ikaw ay aking nakitang matuwid sa harap ko sa panahong ito. 2Sa bawa't malinis na hayop ay kukuha ka ng tigpipito, ng lalake at ng kaniyang babae; at sa mga hayop na hindi malinis ay dalawa, ng lalake at ng kaniyang babae; 3Gayon din naman sa mga ibon sa himpapawid tigpipito, ng lalake at ng babae; upang ingatang binhing buhay sa ibabaw ng buong lupa. 4Sapagka't pitong araw pa, at pauulanan ko na ang ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi, at aking lilipulin ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa. 5At ginawa ni Noe ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Panginoon. 6At may anim na raang taon si Noe nang ang baha ng tubig ay dumagsa sa ibabaw ng lupa. 7At lumulan sa sasakyan si Noe at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang asawa, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak, dahil sa tubig ng baha. 8Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa, 9Ay dalawa't dalawang dumating kay Noe sa sasakyan, na lalake at babae ayon sa iniutos ng Dios kay Noe. 10At nangyari na pagkaraan ng pitong araw, na ang tubig ng baha ay umapaw sa ibabaw ng lupa. 11Sa ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, sa ikalabing pitong araw ng buwan, nang araw ding yaon, ay nangasira ang lahat ng bukal ng lubhang kalaliman, at ang mga durungawan ng langit ay nabuksan. 12At umulan sa ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi. 13Nang araw ding yaon, ay lumulan sa sasakyan si Noe, at si Sem, at si Cham, at si Japhet, na mga anak ni Noe, at ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kaniyang mga anak na kasama nila; 14Sila, at ang bawa't hayop gubat ayon sa kanikanilang uri, at lahat ng hayop na maamo ayon sa kanikanilang uri, at bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikanilang uri, at bawa't ibon ayon sa kanikanilang uri, lahat ng sarisaring ibon. 15At nagsidating kay Noe sa sasakyan na dalawa't dalawa, ang lahat ng hayop na may hinga ng buhay. 16At ang mga nagsilulan, ay lumulang lalake at babae, ng lahat na laman, gaya ng iniutos sa kaniya ng Dios: at kinulong siya ng Panginoon. 17At tumagal ang baha ng apat na pung araw sa ibabaw ng lupa; at lumaki ang tubig at lumutang ang sasakyan, at nataas sa ibabaw ng lupa. 18At dumagsa ang tubig at lumaking mainam sa ibabaw ng lupa; at lumutang ang sasakyan sa ibabaw ng tubig. 19At dumagsang lubha ang tubig sa ibabaw ng lupa: at inapawan ang lahat na mataas na bundok na nasa silong ng buong langit. 20Labing limang siko ang lalim na idinagsa ng tubig; at inapawan ang mga bundok. 21At namatay ang lahat ng lamang gumagalaw sa ibabaw ng lupa, ang mga ibon at gayon din ang hayop, at ang hayop gubat, at ang bawa't nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa, at ang bawa't tao. 22Ang bawa't may hinga ng diwa ng buhay sa kanilang ilong, lahat na nasa lupang tuyo ay namatay. 23At nilipol ang bawa't may buhay na nasa ibabaw ng lupa, ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; at sila'y nalipol sa lupa: at ang natira lamang, ay si Noe at ang mga kasama niya sa sasakyan. 24At tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa, ng isang daan at limang pung araw.
Copyright information for TagAngBiblia