Jeremiah 16
1Ang salita rin naman ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi, 2Huwag kang magaasawa, o magkakaroon ka man ng mga anak na lalake o babae sa dakong ito. 3Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na lalake at tungkol sa mga anak na babae na ipinanganak sa dakong ito, at tungkol sa kanilang mga ina na nanganak sa kanila, at tungkol sa kanilang mga ama na naging anak sila sa lupaing ito. 4Sila'y mangamamatay ng mga mabigat na pagkamatay: hindi sila pananaghuyan, o ililibing man sila; sila'y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa; at sila'y mangalilipol ng tabak, at ng kagutom; at ang kanilang mga bangkay ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa. 5Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang pumasok sa bahay na may tangisan, o pumaroon man upang tumaghoy, o manangis man sa mga yaon; sapagka't aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito, sabi ng Panginoon, ang kagandahang-loob at mga malumanay na kaawaan. 6Ang malaki at gayon din ang maliit ay mangamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi mangalilibing, o tataghuyan man sila ng mga tao, o magkukudlit man o mangagpapakakalbo man dahil sa kanila; 7O magpuputol man ng tinapay ang mga tao, sa kanila na nananangis, upang aliwin sila dahil sa namatay; hindi man sila paiinumin sa saro ng kaaliwan ng dahil sa kanilang ama o dahil sa kanilang ina. 8At huwag kang papasok sa bahay na anyayahan upang maupong kasalo nila, na kumain at uminom. 9Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking ipatitigil sa dakong ito, sa harap ng iyong mga mata at sa inyong mga kaarawan, ang tinig ng kalayawan, at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae. 10At mangyayari, pagka iyong ipakikilala sa bayang ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, Bakit sinalita ng Panginoon ang lahat na malaking kasamaang ito laban sa amin? o ano ang aming kasamaan? o ano ang aming kasalanan na aming ginawa laban sa Panginoon naming Dios? 11Kung magkagayo'y iyong sasabihin sa kanila, Sapagka't pinabayaan ako ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon, at nagsisunod sa ibang mga dios, at nangaglingkod sa kanila, at nagsisamba sa kanila, at pinabayaan ako, at hindi iningatan ang aking kautusan; 12At kayo'y nagsigawa ng kasamaan na higit kay sa inyong mga magulang, sapagka't, narito, lumakad bawa't isa sa inyo ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang kalooban, na anopa't hindi ninyo ako dininig: 13Kaya't kayo'y itataboy ko sa lupain na hindi ninyo nakilala, ninyo o ng inyong mga magulang man, na mula sa lupaing ito, at doo'y mangaglilingkod kayo sa ibang mga dios araw at gabi, sapagka't hindi ako magpapakita ng kagandahang loob. 14Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng angkan ni Israel mula sa lupain ng Egipto; 15Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng hilagaan, at mula sa lahat ng lupain na kinatabuyan sa kanila. At akin silang ipapasok uli sa kanilang lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang. 16Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, sabi ng Panginoon, at magsisipangisda sila; at ipasusundo ko pagkatapos ang maraming mangangaso, at sila'y magsisipangaso sa bawa't bundok, at sa bawa't burol, at sa mga bitak ng mga malaking bato. 17Sapagka't ang aking mga mata ay nangasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nangakukubli sa aking mukha, o nangalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata. 18At akin munang gagantihin ng ibayo ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagka't kanilang dinumhan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga bagay, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam. 19Oh Panginoon, aking kalakasan, at aking katibayan, at aking kanlungan sa kaarawan ng pagkadalamhati, sa iyo paroroon ang mga bansa na mula sa mga hangganan ng lupa, at mangagsasabi, Ang aming mga magulang ay walang minana kundi mga kabulaanan walang kabuluhan at mga bagay na hindi mapapakinabangan. 20Gagawa baga ang tao sa kaniyang sarili ng mga dios na hindi mga dios? 21Kaya't, narito, ipakikilala ko sa kanila, na paminsang ipakikilala ko sa kanila ang aking kamay at ang aking kapangyarihan; at kanilang makikilala na ang aking pangalan ay Jehova.
Copyright information for
TagAngBiblia