Jeremiah 44
1Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat na Judio na nagsitahan sa lupain ng Egipto sa Migdol, at sa Taphnes, at sa Memphis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi, 2Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel: Inyong nakita ang buong kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda; at, narito, sa araw na ito, sila'y kagibaan, at walang taong tumatahan doon, 3Dahil sa kanilang kasamaan na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sa kanilang pagsusunog ng kamangyan, at sa paglilingkod sa ibang mga dios, na hindi nila nakilala, kahit nila, o ninyo man, o ng inyong mga magulang man. 4Gayon ma'y sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila, na nagsasabi, Oh huwag ninyong gawin ang kasuklamsuklam na bagay na ito na aking kinapopootan. 5Nguni't hindi sila nakinig, o ikiniling man nila ang kanilang pakinig na magsihiwalay sa kanilang kasamaan, na huwag mangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios. 6Kaya't ang aking kapusukan at ang aking galit ay nabuhos, at nagalab sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at mga sira at giba, gaya sa araw na ito. 7Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Bakit kayo'y nagsigawa nitong malaking kasamaan laban sa inyong sariling mga kaluluwa, upang maghiwalay sa inyo ng lalake at babae, ng sanggol at pasusuhin, sa gitna ng Juda, upang huwag maiwanan kayo ng anomang labi; 8Sa inyong pagkamungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nangagsusunog kayo ng kamangyan sa ibang mga dios sa lupain ng Egipto, na inyong kinaparoonan na mangibang bayan; upang kayo'y maging kasumpaan at kadustaan sa gitna ng lahat na bansa sa lupa? 9Inyo bagang kinalimutan ang kasamaan ng inyong mga magulang, at ang kasamaan ng mga hari sa Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawa, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawa, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem? 10Sila'y hindi nagpakababa hanggang sa araw na ito, o nangatakot man sila, o nagsilakad man sila ng ayon sa aking kautusan, o sa aking mga palatuntunan man, na aking inilagay sa harap ninyo at sa harap ng inyong mga magulang. 11Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking itititig ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, sa makatuwid baga'y upang ihiwalay ang buong Juda. 12At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagtitig ng kanilang mga mukha na pumasok sa lupain ng Egipto upang mangibang bayan doon, at silang lahat ay mangalipol; sa lupain ng Egipto ay mangabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak, at ng kagutom; sila'y mangamamatay mula sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom; at sila'y magiging katungayawan, at katigilan, at kasumpaan, at kadustaan. 13Sapagka't aking parurusahan silang nagsisitahan sa lupain ng Egipto, gaya ng aking pagkaparusa sa Jerusalem sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot; 14Na anopa't wala sa nalabi sa Juda na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makatatanan o maiiwan man, upang makabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang pagbalikan upang tahanan: sapagka't walang magsisibalik liban sa mga makatatanan. 15Nang magkagayo'y lahat ng lalake na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nangagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, at ang lahat na babae na nangakatayo, isang malaking kapulungan, sa makatuwid baga'y ang buong bayan na tumahan sa lupain ng Egipto, sa Pathros, ay sumagot kay Jeremias, na nagsasabi, 16Tungkol sa salita na iyong sinalita sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin didinggin. 17Kundi aming tunay na isasagawa ang bawa't salita na lumabas sa aming bibig, upang ipagsunog ng kamangyan ang reina ng langit, at ipagbuhos siya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin, at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga prinsipe sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagka't noon ay nagkaroon kami ng saganang pagkain, at kami ay nagsisibuti, at hindi nakakita ng kasamaan. 18Nguni't mula nang aming iwan ang pagsusunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay nangailangan ng lahat na bagay, at kami ay nangalipol ng tabak at ng kagutom. 19At nang kami ay magsunog ng kamangyan sa reina ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog iginawa baga namin siya ng munting tinapay upang sambahin siya, at ipinagbuhos baga namin siya ng mga inuming handog, na wala ang aming mga asawa? 20Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalake, at sa mga babae sa buong bayan na nagbigay sa kaniya ng sagot na yaon, na nagsasabi, 21Ang kamangyan na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo, at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari at ng inyong mga prinsipe, at ng bayan ng lupain, hindi baga inalaala ng Panginoon, at hindi baga pumasok sa kaniyang pagiisip? 22Na anopa't ang Panginoon ay hindi nakapagpigil ng maluwat, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa, at dahil sa mga kasuklamsuklam na inyong ginawa; kaya't ang inyong lupain ay naging sira, at katigilan, at kasumpaan, na walang mananahan gaya sa araw na ito. 23Sapagka't kayo'y nangagsunog ng kamangyan, at sapagka't kayo'y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima sa tinig ng Panginoon, o nagsilakad man sa kaniyang kautusan, o sa kaniyang palatuntunan man, o sa kaniyang mga patotoo man; dahil dito ang kasamaang ito ay nangyari sa inyo, gaya sa araw na ito. 24Bukod dito ay sinabi ni Jeremias sa buong bayan, at sa lahat ng mga babae, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda, na nasa lupain ng Egipto: 25Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Kayo at ang inyong mga asawa ay kapuwa nangagsalita ng inyong mga bibig, at ginanap ng inyong mga kamay, na nagsasabi, Tunay na aming tutuparin ang aming mga panata na aming ipinanata, na magsunog ng kamangyan sa reina ng langit, at ipagbuhos ng mga inuming handog siya: inyo ngang isagawa ang inyong mga panata, at inyong tuparin ang inyong mga panata. 26Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, buong Juda na tumatahan sa lupain ng Egipto. Narito, ako'y sumumpa ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi mababanggit sa bibig ng sinoman sa Juda sa buong lupain ng Egipto, na sabihin, Buhay ang Panginoong Dios. 27Narito, aking binabantayan sila sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at lahat ng tao ng Juda na nangasa lupain ng Egipto ay mangalilipol sa pamamagitan ng tabak at ng kagutom, hanggang sa umabot sila sa kawakasan. 28At ang mga makatatanan sa tabak ay mangagbabalik sa lupain ng Juda na mula sa lupain ng Egipto, na kaunti sa bilang; at ang buong nalabi sa Juda, na pumasok sa lupain ng Egipto na nangibang bayan doon, ay makakaalam kung kaninong salita ang mananayo, kung akin, o kanila. 29At ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan kayo sa dakong ito, upang inyong makilala na ang aking salita ay tunay na tatayo laban sa inyo sa ikasasama: 30Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay si Faraon Hophra na hari sa Egipto sa kamay ng kaniyang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kaniyang buhay; gaya ng pagkabigay ko kay Sedechias na hari sa Juda sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na kaniyang kaaway, at umuusig ng kaniyang buhay.
Copyright information for
TagAngBiblia