Joel 3
1Sapagka't, narito, sa mga kaarawang yaon, at sa panahong yaon, pagka aking ibabalik ang mangabihag sa Juda at Jerusalem. 2Aking pipisanin ang lahat na bansa, at aking ibababa sila sa libis ni Josaphat; at ako'y makikipagtanggol sa kanila roon dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, na kanilang pinangalat sa mga bansa, at binahagi ang aking lupain, 3At kanilang pinagsapalaran ang aking bayan, at kanilang ibinigay ang isang batang lalake dahil sa isang patutot, at ipinagbili ang isang batang babae dahil sa alak, upang sila'y mangakainom. 4Oo, at ano kayo sa akin. Oh Tiro, at Sidon, at buong lupain ng Filistia? gagantihin baga ninyo ako? at kung ako'y inyong gantihin, maliksi at madali na aking ibabalik ang inyong kagantihan sa inyong sariling ulo. 5Yamang inyong kinuha ang aking pilak at aking ginto, at inyong dinala sa inyong mga templo ang aking mainam at maligayang mga bagay, 6At ipinagbili ang mga anak ng Juda at ang mga anak ng Jerusalem ay inyong ipinagbili sa mga anak ng mga taga Grecia, upang inyong mailayo sa kanilang hangganan; 7Narito, aking pasisiglahin sila sa dako na inyong pinagbilhan sa kanila, at aking ibabalik ang inyong kagantihan sa inyong sariling ulo; 8At aking ipagbibili ang inyong mga anak na lalake at babae sa kamay ng mga anak ni Juda, at ipagbibili nila sila sa mga tao sa Seba, sa isang bansang malayo: sapagka't sinalita ng Panginoon. 9Itanyag ninyo ito sa mga bansa: mangaghanda kayo ng digma; pasiglahin ninyo ang mga malakas na lalake; magsilapit ang lahat na lalaking mangdidigma, sila'y magsisampa. 10Gawin ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod, at mga sibat ang inyong mga karit: magsabi ang mahina, Ako'y malakas. 11Mangagmadali kayo, at magsiparito kayong lahat na bansa sa palibot, at magpipisan kayo: iyong pababain doon ang iyong mga makapangyarihan, Oh Panginoon. 12Magpakasigla ang mga bansa, at magsisampa sa libis ni Josaphat; sapagka't doo'y uupo ako upang hatulan ang lahat na bansa sa palibot. 13Gamitin ninyo ang karit; sapagka't ang aanihin ay hinog na: kayo'y magsiparito, at magsiyapak; sapagka't ang alilisan ng alak ay puno, ang kamalig ng alak ay inaapawan; sapagka't ang kanilang kasamaan ay malaki. 14Mga karamihan, mga karamihan sa libis ng pasiya! sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na sa libis ng pasiya. 15Ang araw at ang buwan ay nagdidilim, at pinipigil ng mga bituin ang kanilang kislap. 16At ang Panginoo'y aangal mula sa Sion, at palalakasin ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem; at ang langit at ang lupa ay mangayayanig: nguni't ang Panginoon ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at katibayan sa mga anak ni Israel. 17Sa gayo'y inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios, na tumatahan sa Sion, na aking banal na bundok: kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem, at hindi na daraan pa sa kaniya ang mga taga ibang lupa. 18At mangyayari sa araw na yaon, na ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak, at ang mga burol ay aagusan ng gatas, at ang lahat na batis ng Juda ay aagusan ng mga tubig; at isang bukal ay babalong sa bahay ng Panginoon, at didiligin ang libis ng Sittim. 19Ang Egipto ay masisira, at ang Edom ay magiging ilang na sira, dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda, sapagka't sila'y nagbubo ng walang salang dugo sa kanilang lupain. 20Nguni't ang Juda'y tatahan magpakailan man, at ang Jerusalem ay sa sali't saling lahi. 21At aking lilinisin ang kanilang dugo na hindi ko nilinis: sapagka't ang Panginoon ay tumatahan sa Sion.
Copyright information for
TagAngBiblia