Lamentations 3
1Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot. 2Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag. 3Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw. 4Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto. 5Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam. 6Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon. 7Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala. 8Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing. 9Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas. 10Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako. 11Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako; 12Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana. 13Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan. 14Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw. 15Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo. 16Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo. 17At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan. 18At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon. 19Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo. 20Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko. 21Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako. 22Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos. 23Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat. 24Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya. 25Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya. 26Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon. 27Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan. 28Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya. 29Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa. 30Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan. 31Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man. 32Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan. 33Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao. 34Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa. 35Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan, 36Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon. 37Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon? 38Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti? 39Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan? 40Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon. 41Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit. 42Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad. 43Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa. 44Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin. 45Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan. 46Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin. 47Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba. 48Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan. 49Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan. 50Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit. 51Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan. 52Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan. 53Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato. 54Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay. 55Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay. 56Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing. 57Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot. 58Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay. 59Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap. 60Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin. 61Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin, 62Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw. 63Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit. 64Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay. 65Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila. 66Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.
Copyright information for
TagAngBiblia