Luke 16
1At sinabi rin naman niya sa mga alagad, May isang taong mayaman, na may isang katiwala; at ito'y isinumbong sa kaniya na siya'y nagsisira ng kaniyang mga pag-aari. 2At tinawag niya siya, at sa kaniya'y sinabi, Ano ito na nababalitaan ko tungkol sa iyo? magbigay sulit ka ng pagiging katiwala; sapagka't hindi ka na maaaring maging katiwala pa. 3At sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili, Anong gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging katiwala? Magdukal ng lupa'y wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako. 4Nalalaman ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging katiwala, ako ay matanggap nila sa kanilang mga bahay. 5At pagtawag niya sa bawa't isa sa mga may utang sa kaniyang panginoon, ay sinabi niya sa una, Gaano ang utang mo sa aking panginoon? 6At sinabi niya, Isang daang takal na langis. At sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at maupo kang madali at isulat mong limangpu. 7Nang magkagayon ay sinabi niya sa iba, At ikaw, gaano ang utang mo? At sinabi niya, Isang daang takal na trigo. Sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at isulat mong walongpu. 8At pinuri ng kaniyang panginoon ang lilong katiwala, sapagka't siya'y gumawang may katalinuhan: sapagka't ang mga anak ng sanglibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matatalino kay sa mga anak ng ilaw. 9At sinabi ko sa inyo, Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan; upang, kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tabernakulo. 10Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami. 11Kung kayo nga'y di naging mapagtapat sa masamang kayamanan, sino nga ang magkakatiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan? 12At kung di kayo naging mapagtapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sa inyong sarili. 13Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa; o di kaya'y magtatapat sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan. 14At ang mga Fariseo, na pawang maibigin sa salapi, ay nangakikinig ng lahat ng mga bagay na ito; at siya'y tinutuya nila. 15At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa't nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka't ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios. 16Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan: mula noo'y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit. 17Nguni't lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kay sa mahulog ang isang kudlit ng kautusan. 18Ang bawa't lalaki na inihihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya. 19Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya'y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana: 20At isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan, 21At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat. 22At nangyari, na namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing. 23At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan. 24At siya'y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka't naghihirap ako sa alab na ito. 25Datapuwa't sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa't ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan. 26At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin. 27At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama; 28Sapagka't ako'y may limang kapatid na lalake; upang sa kanila'y patotohanan niya, baka pati sila'y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa. 29Datapuwa't sinabi ni Abraham, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila'y pakinggan nila. 30At sinabi niya, Hindi amang Abraham: datapuwa't kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi. 31At sinabi niya sa kaniya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.
Copyright information for
TagAngBiblia