Luke 22
1Malapit na nga ang pista ng mga tinapay na walang lebadura, na tinatawag na Paskua. 2At pinagsisikapan ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba kung paanong kanilang maipapapatay siya; sapagka't nangatatakot sila sa bayan. 3At pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa labingdalawa. 4At siya'y umalis, at nakipagusap sa mga pangulong saserdote at mga punong kawal kung paanong maibibigay niya siya sa kanila. 5At sila'y nangagalak, at pinagkasunduang bigyan siya ng salapi. 6At pumayag siya, at humanap ng ukol na panahon upang kaniyang maibigay siya sa kanila, nang hindi kaharap ang karamihan. 7At dumating ang araw ng mga tinapay na walang lebadura, na noon ay kinakailangang ihain ang paskua. 8At sinugo niya si Pedro at si Juan, na sinasabi, Magsihayo kayo at magsipaghanda kayo ng kordero ng paskua para sa atin, upang tayo'y magsikain. 9At kanilang sinabi sa kaniya, Saan mo ibig na aming ihanda? 10At kaniyang sinabi sa kanila, Narito, pagpasok ninyo sa bayan, ay masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig; sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kaniyang papasukan. 11At sasabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro sa iyo, Saan naroon ang tuluyang aking makakanan ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad? 12At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan: doon ninyo ihanda. 13At nagsiparoon sila, at nasumpungan ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua. 14At nang dumating ang oras, ay naupo siya, at ang mga apostol ay kasalo niya. 15At sinabi niya sa kanila, Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuang ito bago ako maghirap: 16Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Ito'y hindi ko kakanin, hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Dios. 17At siya'y tumanggap ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay sinabi niya, Kunin ninyo ito, at inyong pagbahabahaginin: 18Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Dios. 19At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin. 20Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo. 21Datapuwa't narito, ang kamay ng nagkakanulo sa akin, ay kasalo ko sa dulang. 22Sapagka't ang Anak ng tao nga ay yayaon, ayon sa itinakda: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa kaniya! 23At sila'y nagpasimulang nangagtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito. 24At nagkaroon naman ng isang pagtatalotalo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ibibilang na pinakadakila. 25At kaniyang sinabi sa kanila, Ang mga hari ng mga Gentil ay napapanginoon sa kanila; at ang mga may kapamahalaan sa kanila'y tinatawag na mga Tagapagpala. 26Datapuwa't sa inyo'y hindi gayon: kundi bagkus ang lalong dakila sa inyo ay maging tulad sa lalong bata; at ang nangungulo ay maging gaya ng naglilingkod. 27Sapagka't alin ang lalong dakila, ang nakaupo baga sa dulang, o ang naglilingkod? hindi baga ang nakaupo sa dulang? datapuwa't ako'y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod. 28Datapuwa't kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin; 29At kayo'y inihahalal kong isang kaharian, na gaya nga ng pagkahalal sa akin ng aking Ama, 30Upang kayo'y magsikain at magsiinom sa aking dulang sa kaharian ko; at kayo'y magsisiupo sa mga luklukan, na inyong huhukuman ang labingdalawang angkan ni Israel. 31Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo: 32Datapuwa't ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid. 33At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan. 34At kaniyang sinabi, Sinasabi ko sa iyo, Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako'y hindi mo nakikilala. 35At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi. 36At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak. 37Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan. 38At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na. 39At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad. 40At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso. 41At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin, 42Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. 43At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya. 44At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa. 45At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis, 46At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso. 47Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan. 48Datapuwa't sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao? 49At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak? 50At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya. 51Datapuwa't sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggang dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito'y pinagaling. 52At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo'y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas? 53Nang ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin; datapuwa't ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman. 54At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa't sa malayo'y sumusunod si Pedro. 55At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila. 56At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya. 57Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala. 58At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi. 59At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito'y kasama rin niya; sapagka't siya'y Galileo. 60Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok. 61At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo. 62At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan. 63At nililibak si Jesus, at siya'y sinasaktan ng mga taong nangagbabantay. 64At siya'y piniringan nila, at tinatanong siya, na sinasabi, Hulaan mo; sino ang sa iyo'y humampas? 65At sinabi nila ang ibang maraming bagay laban sa kaniya, na siya'y inaalimura. 66At nang araw na, ay nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga pangulong saserdote, at gayon din ang mga eskriba, at dinala siya sa kanilang Sanedrin, na sinasabi, 67Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mo sa amin. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Kung sabihin ko sa inyo, ay hindi ninyo ako paniniwalaan: 68At kung kayo'y aking tanungin, ay hindi kayo magsisisagot. 69Datapuwa't magmula ngayon ang Anak ng tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Dios. 70At sinabi nilang lahat, Kung gayo'y ikaw baga ang Anak ng Dios? At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagsasabi na ako nga. 71At sinabi nila, Ano pa ang kailangan natin ng patotoo? sapagka't tayo rin ang nangakarinig sa kaniyang sariling bibig.
Copyright information for
TagAngBiblia