‏ Matthew 17

1At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan na kapatid niya, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok: 2At nagbagong-anyo siya sa harap nila; at nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit. 3At narito, napakita sa kanila si Moises at si Elias na nakikipagusap sa kaniya. 4At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias. 5Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan. 6At nang marinig ito ng mga alagad, ay nangasubasub sila, at lubhang nangatakot. 7At lumapit si Jesus at sila'y tinapik, at sinabi, Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot. 8At sa paglingap ng kanilang mga mata, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang. 9At habang sila'y nagsisibaba mula sa bundok, ay iniutos sa kanila ni Jesus, na nagsasabi, Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay. 10At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit nga sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias? 11At sumagot siya, at sinabi, Katotohanang si Elias ay paririto, at isasauli ang lahat ng mga bagay: 12Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig. Gayon din naman ang Anak ng tao ay magbabata sa kanila. 13Nang magkagayo'y napagunawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sa kanila'y sinasabi niya. 14At pagdating nila sa karamihan, ay lumapit sa kaniya ang isang lalake, na sa kaniya'y lumuhod, at nagsasabi, 15Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalake: sapagka't siya'y himatayin, at lubhang naghihirap; sapagka't madalas na siya'y nagsusugba sa apoy, at madalas sa tubig. 16At siya'y dinala ko sa iyong mga alagad, at hindi nila siya mapagaling. 17At sumagot si Jesus at sinabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin. 18At pinagwikaan siya ni Jesus; at ang demonio ay lumabas sa kaniya: at ang bata'y gumaling mula nang oras ding yaon. 19Nang magkagayo'y nagsilapit na bukod ang mga alagad kay Jesus, at nangagsabi, Bakit baga hindi namin napalabas yaon? 20At sinabi niya sa kanila, Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari. 21Datapuwa't ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno. 22At samantalang sila'y nangakahimpil sa Galilea, ay sinabi sa kanila ni Jesus, Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao; 23At siya'y papatayin nila, at sa ikatlong araw ay siya'y muling ibabangon. At sila'y lubhang nangamanglaw, 24At pagdating nila sa Capernaum, ay nangagsilapit kay Pedro ang mga maniningil ng kalahating siklo, at nangagsabi, Hindi baga pinagbabayaran ng inyong guro ang kalahating siklo? 25Sinabi niya, Oo. At nang pumasok siya sa bahay, ay pinangunahan siya ni Jesus, na nagsasabi, Anong akala mo, Simon? ang mga hari sa lupa, kanino baga sila nanganiningil ng kabayaran ng buwis? sa kanilang mga anak baga o sa nangaiiba? 26At nang sabihin niya, Sa nangaiiba, ay sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung gayo'y hindi nangagbabayad ang mga anak. 27Datapuwa't, baka katisuran tayo nila, ay pumaroon ka sa dagat, at ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw; at pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, ay masusumpungan mo ang isang siklo: kunin mo, at ibigay mo sa kanila sa ganang akin at sa iyo.
Copyright information for TagAngBiblia