Matthew 20
1Sapagka't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na puno ng sangbahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga, upang umupa ng manggagawa sa kaniyang ubasan. 2At nang makipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denario sa bawa't araw, ay isinugo niya sila sa kaniyang ubasan. 3At siya'y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, at nakita ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa; 4At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng nasa katuwiran. At nagsiyaon ng kanilang lakad sa ubasan. 5Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam, at gayon din ang ginawa. 6At lumabas siya nang malapit na ang ikalabingisang oras at nakasumpong siya ng mga iba na nangakatayo; at sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa? 7At sinabi nila sa kaniya, Sapagka't sinoma'y walang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila, Magsiparito din naman kayo sa ubasan. 8At nang dumating ang hapon, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una. 9At paglapit ng mga inupahan nang malapit na ang ikalabingisang oras ay tumanggap bawa't tao ng isang denario. 10At nang magsilapit ang mga nauna, ang isip nila'y magsisitanggap sila ng higit; at sila'y nagsitanggap din bawa't tao ng isang denario. 11At nang kanilang tanggapin ay nangagbulongbulong laban sa puno ng sangbahayan, 12Na nangagsasabi, Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli, sila'y ipinantay mo sa amin, na aming binata ang hirap sa maghapon at ang init na nakasusunog. 13Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, Kaibigan, hindi kita iniiring: hindi baga nakipagkayari ka sa akin sa isang denario? 14Kunin mo ang ganang iyo, at humayo ka sa iyong lakad; ibig kong bigyan itong huli, nang gaya rin sa iyo. 15Hindi baga matuwid sa aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? o masama ang mata mo, sapagka't ako'y mabuti? 16Kaya't ang mga una'y mangahuhuli, at ang mga huli ay mangauuna. 17Samantalang umaahon si Jesus, ay bukod niyang isinama ang labingdalawang alagad, at sa daa'y sinabi niya sa kanila, 18Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at kanilang hahatulang siya'y patayin, 19At ibibigay siya sa mga Gentil upang siya'y kanilang alimurahin, at hampasin, at ipako sa krus: at sa ikatlong araw siya'y ibabangon. 20Nang magkagayo'y lumapit sa kaniya ang ina ng mga anak na lalake ni Zebedeo, na kasama ang kaniyang mga anak na lalake na siya'y sinamba, at may hinihinging isang bagay sa kaniya. 21At sinabi niya sa kaniya, Ano ang ibig mo? Sinabi niya sa kaniya, Ipagutos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian. 22Nguni't sumagot si Jesus at sinabi, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang aking iinuman? Sa kaniya'y sinabi nila, Mangyayari. 23Sinabi niya sa kanila, Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: datapuwa't ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama. 24At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagalit laban sa dalawang magkapatid. 25Datapuwa't sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sinabi, Nalaman ninyo na ang mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila. 26Sa inyo'y hindi magkakagayon: kundi ang sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo; 27At sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo: 28Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami. 29At nang sila'y magsialis sa Jerico, ay sumunod sa kaniya ang lubhang maraming tao. 30At narito, ang dalawang lalaking bulag na nangakaupo sa tabi ng daan, pagkarinig nilang nagdaraan si Jesus, ay nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David. 31At pinagwikaan sila ng karamihan, upang sila'y magsitahimik: datapuwa't sila'y lalong nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David. 32At tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo? 33Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, na mangadilat ang mga mata namin. 34At si Jesus, sa pagkahabag, ay hinipo ang kanilang mga mata, at pagdaka'y nagsitanggap sila ng kanilang paningin; at nagsisunod sa kaniya.
Copyright information for
TagAngBiblia