‏ Nahum 1

1Ang hula tungkol sa Ninive. Ang aklat tungkol sa pangitain ni Nahum na Elkoshita. 2Ang Panginoon ay mapanibughuing Dios at nanghihiganti; ang Panginoon ay nanghihiganti at puspos ng kapootan; ang Panginoon ay nanghihiganti sa kaniyang mga kaaway, at siya'y nagtataan ng kapootan sa kaniyang mga kaaway. 3Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit, at dakila sa kapangyarihan, at sa anomang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin: ang daan ng Panginoon ay sa ipoipo at sa bagyo, at ang mga ulap ay siyang alabok ng kaniyang mga paa. 4Kaniyang sinasaway ang dagat, at tinutuyo, at tinutuyo ang lahat na ilog: ang Basan ay nanlalata, at ang Carmelo; at ang bulaklak ng Libano ay nalalanta. 5Ang mga bundok ay nanginginig dahil sa kaniya, at ang mga burol ay nangatutunaw; at ang lupa'y lumilindol sa kaniyang harapan, oo, ang sanglibutan, at ang lahat na nagsisitahan dito. 6Sino ang makatatayo sa harap ng kaniyang pagkagalit? at sino ang makatatahan sa kabangisan ng kaniyang galit? ang kaniyang kapusukan ay sumisigalbong parang apoy, at ang mga malaking bato ay nangatitibag niya. 7Ang Panginoo'y mabuti, katibayan sa kaarawan ng kabagabagan; at nakikilala niya yaong nangaglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya. 8Nguni't sa pamamagitan ng manggugunaw na baha ay kaniyang lubos na wawakasan ang kaniyang dako, at hahabulin ang kaniyang mga kaaway sa kadiliman. 9Ano ang inyong kinakatha laban sa Panginoon? siya'y gagawa ng lubos na kawakasan; ang pagdadalamhati ay hindi titindig na ikalawa. 10Sapagka't yamang sila'y maging gaya ng mga salasalabat na tinik, at maging napakalasing na parang manglalasing, sila'y lubos na masusupok na parang tuyong dayami. 11May lumabas na isa sa iyo, na nagiisip ng kasamaan laban sa Panginoon, na pumapayo ng masama. 12Ganito ang sabi ng Panginoon: Bagaman sila'y nangasa lubos na kalakasan, at totoong marami, gayon may sila'y nangalulugmok, at daraan siya. Bagaman pinagdalamhati kita, hindi na kita pagdadalamhatiin pa. 13At ngayo'y aking babaliin ang kaniyang pamatok na nasa iyo, at aking sisirain ang iyong mga paningkaw. 14At ang Panginoon ay nagbigay utos tungkol sa iyo, na hindi na matatatag ang iyong pangalan: sa bahay ng iyong mga dios ay aking ihihiwalay ang larawang inanyuan at ang larawang binubo; aking gagawin ang iyong libingan; sapagka't ikaw ay hamak. 15Narito, nasa ibabaw ng mga bundok ang mga paa niyang nangagdadala ng mga mabuting balita, na nangaghahayag ng kapayapaan! Ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan, Oh Juda, tuparin mo ang iyong mga panata; sapagka't ang masama ay hindi na dadaan pa sa iyo; siya'y lubos na nahiwalay.
Copyright information for TagAngBiblia