‏ 1 Chronicles 28

Ang Plano ni David para sa Templo

1Ipinatawag ni Haring David sa Jerusalem ang lahat ng opisyal ng Israel: Ang mga opisyal ng mga lahi, ang mga kumander ng bawat grupo ng mga sundalo na naglilingkod sa hari, ang iba pang mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, ang mga opisyal na namamahala sa lahat ng ari-arian at mga hayop ng hari at ng kanyang mga anak, ang mga opisyal ng palasyo, ang mga makapangyarihang tao, at ang lahat ng mahuhusay na sundalo.

2 Nang nagtitipon na sila, tumayo si David at sinabi, “Makinig kayo, aking mga kapatid at tauhan. Gusto ko sanang magpatayo ng templo para paglagyan ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na ating Dios, upang magkaroon ng tungtungan ang kanyang mga paa. At nakapagplano na ako para sa pagpapatayo nito. 3Pero sinabi ng Dios sa akin, ‘Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan dahil isa kang sundalo at marami kang napatay.’ 4Ngunit sa kabila nito, pinili ako ng Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa aming pamilya na maging hari ng Israel magpakailanman. Pinili niya ang lahi ni Juda bilang pinuno ng mga lahi. At mula sa lahing ito, pinili niya ang aking pamilya, at mula sa aking pamilya ikinalugod niya ang pagpili sa akin bilang hari ng buong Israel. 5Binigyan niya ako ng maraming anak na lalaki, at mula sa kanila, pinili niya si Solomon na maghari sa kanyang kaharian, ang Israel. 6Sinabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magpapatayo ng aking templo, at ng mga bakuran nito. Sapagkat pinili ko siya na maging aking anak, at akoʼy magiging kanyang ama. 7At kung patuloy siyang susunod sa mga utos ko at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon, paghahariin ko ang kanyang angkan magpakailanman.’

8“Kaya ngayon, inuutusan ko kayo sa harap ng lahat ng Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon, at sa presensya ng ating Dios, na maingat nʼyong sundin ang lahat ng utos ng Panginoon na inyong Dios. Kung gagawin nʼyo ito, patuloy na kayo ang magmamay-ari ng magandang lupaing ito, at ipamamana ninyo ito sa inyong mga angkan magpakailanman.

9“At ikaw, Solomon na anak ko, kilalanin mo at paglingkuran ang Dios ng iyong ama nang buong puso mo at isip, dahil nakikita ng Panginoon ang bawat puso ng tao at nalalaman niya ang ating layunin at pag-iisip. Kung dudulog ka sa kanya, tutulungan ka niya, pero kung tatalikod ka sa kanya, itatakwil ka niya magpakailanman. 10Kaya pag-isipan mo itong mabuti. Pinili ka ng Panginoon para ipatayo ang templo para roon siya sambahin. Magpakatatag ka, at gawin mo ang gawaing ito.”

11Pagkatapos, ibinigay ni David kay Solomon ang lahat ng plano sa pagpapatayo ng templo at ng mga balkonahe nito, mga gusali, mga bodega, mga silid sa itaas, mga silid sa loob, at ang Pinakabanal na Lugar na kung saan pinapatawad ang mga kasalanan ng mga tao. 12Ibinigay niya ang lahat ng plano na itinuro sa kanya ng Espiritu
na itinuro sa kanya ng Espiritu: o, na kanyang napag-isipan.
para sa pagpapatayo ng mga bakuran ng templo ng Panginoon, sa lahat ng silid sa paligid nito, sa mga bodega ng templo ng Dios, kasama na ang mga bodega para sa mga bagay na inihandog.
13Tinuruan din niya si Solomon kung paano igugrupo ang mga pari at mga Levita, at ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, ganoon din ang lahat ng mga gagamitin sa paglilingkod. 14Itinuro rin niya kung gaano karaming pilak at ginto ang gagamitin sa paggawa ng mga gamit na ito: 15sa mga ilawang ginto at mga lagayan nito; sa mga ilawang pilak at mga lagayan nito; 16sa mga mesang ginto kung saan ilalagay ang tinapay na inihahandog sa Dios; sa mesang pilak; 17sa mga malaking gintong tinidor; sa mga mangkok at mga pitsel; sa mga platong ginto at pilak; 18at sa gintong altar na pagsusunugan ng insenso. Tinuruan din ni David si Solomon kung paano gawin ang gintong kerubin na nakalukob ang mga pakpak sa itaas ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon.

19 Sinabi ni Haring David, “Ang mga planong ito ay isinulat ayon sa gabay ng Panginoon, at tinuruan niya ako kung paano gawin ang lahat ng ito.”

20Sinabi rin ni David sa anak niyang si Solomon, “Magpakatatag ka at magpakatapang. Simulan mo na ang pagpapagawa. Huwag kang matakot o manlupaypay, dahil ang Panginoong Dios, ang aking Dios ay kasama mo. Hindi ka niya iiwan o pababayaan hanggang sa matapos ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon. 21Nakahanda na ang grupo ng mga pari at mga Levita para sa lahat ng gawain sa templo ng Dios, at may mga tao rin na may kakayahang gumawa ng anumang gawain na handang tumulong sa iyo. Ang mga opisyal at ang lahat ng tao ay handang sumunod sa iyo.”

Copyright information for TglASD