‏ 1 Samuel 22

Si David sa Adulam at Mizpa

1Umalis si David sa Gat, at tumakas papunta sa kweba ng Adulam. Nang mabalitaan ito ng mga kapatid at kapamilya ni David, pinuntahan nila ito para samahan siya. 2Sumama na rin kay David ang mga taong nababahala, lubog sa utang, at hindi kontento sa buhay. Umabot sa 400 ang kanilang bilang at si David ang naging pinuno nila. 3Mula rito, pumunta si David sa Mizpa na sakop ng Moab at sinabi niya sa hari ng Moab, “Nakikiusap ako na payagan ninyo na dito muna manirahan ang aking mga magulang hanggaʼt hindi ko pa natitiyak kung ano ang kalooban ng Dios sa akin.” 4Pumayag ang hari, kaya iniwan niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab habang nandoon siya sa matatag na kublihan.

5Isang araw, sinabi ni propeta Gad kay David, “Umalis ka na rito sa pinagtataguan mo at pumunta ka sa Juda.” Umalis nga si David at pumunta sa kagubatan ng Heret.

Ang Pagpatay sa mga Pari ng Nob

6Nabalitaan ni Saul na nahanap na sina David at ang kanyang mga tauhan. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko, doon sa burol ng Gibea. May hawak siyang sibat at nakapalibot sa kanya ang kanyang mga opisyal. 7Sinabi ni Saul sa kanila, “Makinig kayo, mga taga-Benjamin! Pinangakuan ba kayo ni David na bibigyan kayo ng bukid at ubasan? Pinangakuan ba niya kayong gagawin kayong kumander ng mga sundalo? 8Iyan ba ang dahilan kung bakit nakipagsabwatan kayo sa kanya laban sa akin? Wala ni isa man sa inyo ang nagsabi sa akin na gumawa ng kasunduan kay David ang anak kong si Jonatan. Hindi man lang kayo nag-alala para sa akin, dahil hindi ninyo sinabi sa akin na inudyukan ng aking anak ang lingkod kong si David na patayin ako gaya ng plano niya ngayon.”

9Isa sa mga nakatayo kasama ng mga opisyal ni Saul ay si Doeg na taga-Edom. Sinabi niya kay Saul, “Noong naroon po ako sa Nob, nakita ko si David na pumunta kay Ahimelec na anak ni Ahitub. 10Tinanong ni Ahimelec sa Panginoon kung ano ang dapat gawin ni David, at binigyan pa po niya ito ng makakain at ibinigay din po ang espada ng Filisteong si Goliat.”

11Ipinatawag ni Saul ang paring si Ahimelec na anak ni Ahitub, at ang buo niyang pamilya na mga pari sa Nob. 12Pagdating nila ay sinabi ni Saul, “Makinig ka sa akin, anak ni Ahitub.” “Nakikinig po ako, Mahal na Hari,” sagot ni Ahimelec. 13Sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit binigyan mo pa siya ng pagkain at espada? Bakit nagtanong ka pa sa Dios para sa kanya? Hindi mo ba alam na nagrerebelde siya sa akin at binabalak niya akong patayin?” 14Sumagot si Ahimelec, “Hindi po baʼt si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong lingkod? Bukod pa roon, siya po ang kapitan ng mga guwardya ninyo at iginagalang siya sa inyong sambahayan. 15Opo, nagtanong ako sa Dios para sa kanya, pero matagal ko na itong ginagawa sa kanya noon pa. Nakikiusap po ako, huwag ninyo akong akusahan pati na ang sambahayan ko sa bagay na ito, dahil wala akong nalalaman sa mga plano niya laban sa inyo.” 16Pero sinabi ng hari, “Siguradong mamamatay ka, Ahimelec, kasama ang buo mong pamilya.”

17Inutusan ni Saul ang mga guwardya sa kanyang tabi, “Patayin ninyo ang mga paring ito ng Panginoon dahil nakipagsabwatan sila kay David. Alam nilang tumakas si David mula sa akin pero hindi nila sinabi sa akin.” Pero hindi ginalaw ng mga opisyal ng hari ang mga pari ng Panginoon. 18Kaya si Doeg na lang ang inutusan ng hari na pumatay sa mga pari, at pinatay naman sila ni Doeg. Nang araw na iyon 85 pari
pari: sa literal, ang mga nakasuot ng espesyal na damit.
ang pinatay ni Doeg.
19Ipinapatay din ni Saul ang lahat ng nakatira sa Nob, ang bayan ng mga pari: ang mga lalaki, babae, kabataan, sanggol, baka, asno, at mga tupa. 20Pero nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at sumama kay David. 21Sinabi niya kay David na ipinapatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon. 22Sinabi ni David kay Abiatar, “Nang makita ko noon si Doeg nang pumunta ako kay Ahimelec, alam ko nang magsusumbong siya kay Saul. Kaya pananagutan ko ang pagkamatay ng buong sambahayan mo. 23Sumama ka na lang sa akin, dahil iisa lang ang gustong pumatay sa iyo at sa akin. Huwag kang matakot. Hindi ka mapapahamak kapag kasama mo ako.”

Copyright information for TglASD