1 Samuel 25
Sina David, Nabal at Abigail
1Lumipas ang panahon at namatay si Samuel. Nagtipon ang buong Israel at ipinagluksa ang pagkamatay niya. Inilibing siya sa kanyang tirahan sa Rama.Pagkatapos nito, lumipat si David sa disyerto ng Maon. 2Doon sa Maon, may isang tao na napakayaman at may lupain sa Carmel. Mayroon siyang 1,000 kambing at 3,000 tupa na kanyang pinapagupitan sa Carmel. 3Ang pangalan ng taong ito ay Nabal at mula siya sa angkan ni Caleb. Ang asawa naman niya ay si Abigail. Matalino at maganda si Abigail pero si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
4Habang nasa ilang si David, nabalitaan niya na pinapagupitan na ni Nabal ang kanyang mga tupa. 5– 6Kaya nagpadala siya ng sampung tao sa Carmel na dala ang mensaheng ito para kay Nabal, “Biyayaan ka sana ng mahabang buhay. Maging masagana sana ang buo mong sambahayan at ang lahat ng pag-aari mo. 7Nabalitaan ko na nagpapagupit ka ng iyong mga tupa. Nang nakasama namin ang mga pastol mo sa Carmel, hindi namin sila sinaktan at walang anumang nawala sa kanila. 8Tanungin mo sila at sasabihin nila ang totoo. Ngayon, nakikiusap ako na pakitaan mo ng kabutihan ang mga tauhan ko, dahil pista ngayon. Ituring mo akong anak at ang mga alipin ko bilang iyong alipin; pakibigay sa amin ang anumang gusto mong ibigay.”
9Pagdating ng mga tauhan ni David kay Nabal, ipinaabot nila ang mensahe ni David, at naghintay. 10Tinanggihan ni Nabal si David. “Sino ba ang David na ito na anak ni Jesse? Sa panahon ngayon, maraming alipin ang tumatakas sa kanilang mga amo. 11Bakit ko naman ibibigay sa iyo ang tinapay, tubig at karneng para sa mga manggugupit ng mga tupa ko, gayong hindi ko nga alam kung saang lupalop kayo nanggaling?”
12Bumalik ang mga tauhan ni David at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Nabal. 13Nang marinig niya ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ninyo ang inyong mga espada!” Kaya isinukbit ng mga tauhan niya ang kanilang mga espada, at ganoon din ang ginawa ni David. Mga 400 tao ang sumama kay David at 200 ang naiwan para bantayan ang mga kagamitan.
14Isa sa mga alipin ni Nabal ang nagsabi kay Abigail na kanyang asawa, “Nagsugo si David ng mga mensahero rito galing sa disyerto para kumustahin ang amo naming si Nabal, pero ininsulto pa niya sila. 15Mabuti ang mga taong iyon sa amin, hindi nila kami ginawan ng anumang masama. Sa buong panahon na naroon kami sa bukid malapit sa kanila, walang anumang nawala sa amin. 16Binantayan nila kami araw at gabi habang nagbabantay kami ng mga tupa. 17Pag-isipan mong mabuti ang nararapat mong gawin dahil mapapahamak ang asawa mo at ang kanyang buong sambahayan. Napakasama niyang tao kaya walang nangangahas na makipag-usap sa kanya.”
18Walang sinayang na oras si Abigail. Nagpakuha siya ng 200 tinapay, dalawang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas, limang kinatay na tupa, isang sako ng binusang trigo, 100 dakot ng pasas, at 200 dakot ng igos. Pagkatapos, ipinakarga niya ito sa mga asno, 19at sinabi sa kanyang mga utusan, “Mauna na kayo, susunod na lang ako.” Pero hindi niya ito ipinaalam sa asawa niyang si Nabal.
20Habang nakasakay si Abigail sa kanyang asno at paliko na sa gilid ng bundok, nakita niyang padating naman si David at ang mga tauhan nito. 21Samantala, sinasabi ni David, “Walang saysay ang pagbabantay natin sa mga ari-arian ni Nabal sa disyerto para walang mawala sa mga ito. Masama pa ang iginanti niya sa mga kabutihang ginawa natin. 22Parusahan sana ako ng Dios nang napakatindi kapag may itinira pa akong buhay na lalaki sa sambahayan niya pagdating ng umaga.”
23Nang makita ni Abigail si David, dali-dali siyang bumaba sa kanyang asno at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang. 24Sinabi niya, “Pakiusap po, pakinggan nʼyo ako. Inaako ko na po ang pagkakamali ng aking asawa. 25Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon si Nabal. Napakasama niyang tao. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal.
26“Ngayon po, niloob ng Panginoon na hindi matuloy ang paghihiganti at pagpatay ninyo para hindi madungisan ang inyong mga kamay. Sa kapangyarihan ng buhay na Panginoon at ng buhay nʼyo, nawaʼy matulad kay Nabal ang kahihinatnan ng inyong mga kaaway at ng lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo. 27Kaya, kung maaari, tanggapin ninyo ang mga regalong ito na dinala ko para sa inyo at sa inyong mga tauhan. 28Patawarin nʼyo po sana ako kung mayroon man akong mga pagkukulang. Nakakatiyak ako na gagawin kayong hari ng Panginoon at magpapatuloy ang paghahari ninyo sa lahat ng inyong salinlahi, dahil nakikipaglaban kayo para sa kanya. Wala sanang makakapanaig na kasamaan sa inyo habang kayoʼy nabubuhay. 29Kahit may humahabol sa inyo para patayin kayo, iingatan kayo ng Panginoon na inyong Dios. Ililigtas kayo ng kanyang mga kamay tulad ng pag-iingat ng isang tao sa isang mamahaling bagay. Pero ang inyong mga kaaway ay ihahagis na parang batong ibinala sa tirador. 30Kapag natupad na ang lahat ng kabutihang ipinangako sa inyo ng Panginoon at maging hari na kayo ng Israel, 31hindi kayo uusigin ng inyong konsensya dahil hindi kayo naghiganti at pumatay ng walang sapat na dahilan. At kapag pinagtagumpay na kayo ng Panginoon, nakikiusap ako na huwag nʼyo po akong kalimutan na inyong lingkod.”
32Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpadala sa iyo ngayong araw na ito para makipagkita sa akin. 33Salamat sa Dios sa mabuti mong pagpapasya. Dahil dito, iniwas mo ako sa paghihiganti at pagpatay. 34Kung hindi ka nagmadaling makipagkita sa akin, wala sanang matitirang buhay na lalaki sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga. Isinumpa ko iyan sa buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pumigil sa akin sa paggawa sa iyo ng masama.” 35Tinanggap ni David ang mga regalo ni Abigail at sinabi, “Umuwi ka na at huwag ka nang mag-alala. Gagawin ko ang mga sinabi mo.”
36Nang dumating si Abigail sa bahay nila, nagdiriwang sila Nabal na parang pista sa kaharian. Sobrang saya ni Nabal at lasing na lasing, kaya hindi na niya sinabi rito hanggang umaga ang pakikipagkita niya kay David. 37Kinaumagahan, nang wala na ang pagkalasing nito, sinabi sa kanya ni Abigail ang nangyari. Inatake siya sa puso at hindi na nakagalaw. 38Pagkaraan ng sampung araw, pinalala ng Panginoon ang kalagayan niya at siyaʼy namatay.
39Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon! Siya ang gumanti kay Nabal dahil sa pang-iinsulto niya sa akin. Hindi na niya hinayaang ako pa ang gumawa noon. Pinarusahan niya si Nabal sa masama niyang ginawa sa akin.”
Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si David kay Abigail na hinihiling niya na maging asawa niya ito. 40Pagdating ng mga mensahero sa Carmel, sinabi nila kay Abigail, “Pinapunta kami ni David sa iyo upang sunduin ka at gawing asawa niya.” 41Lumuhod si Abigail at sinabi, “Pumapayag ako. Handa akong paglingkuran siya pati na ang kanyang mga alipin. ▼
▼pati na ang kanyang mga alipin: sa literal, at sa paghuhugas ng mga paa ng kanyang mga alipin.
” 42Dali-daling sumakay si Abigail sa asno at sumama sa mga mensahero ni David. Kasama niya ang lima niyang aliping babae at naging asawa siya ni David. 43Pinakasalan din ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at dalawa silang naging asawa ni David. 44Ang unang asawa ni David na si Mical ay ibinigay ni Saul kay Paltiel na anak ni Laish na taga-Galim.
Copyright information for
TglASD