‏ 2 Chronicles 14

1Namatay si Abijah at inilibing sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari. Sa panahon ng paghahari niya, nagkaroon ng kapayapaan sa Juda sa loob ng sampung taon.

Ang Paghahari ni Asa sa Juda.

2Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. 3Ipinagiba niya ang mga altar ng mga dios-diosan at ang mga sambahan sa matataas na lugar.
sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
Ipinagiba rin niya ang mga alaalang bato at pinaputol ang posteng simbolo ng diosang si Ashera.
4Inutusan niya ang mamamayan ng Juda na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at tumupad sa kanyang mga kautusan. 5Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga altar na pinagsusunugan ng mga insenso sa lahat ng bayan ng Juda. Kaya may kapayapaan ang kaharian ng Juda sa panahon ng paghahari ni Asa. 6At habang mapayapa, pinalagyan niya ng mga pader ang mga lungsod ng Juda. Walang nakipaglaban sa kanya sa panahong ito, dahil binigyan siya ng Panginoon ng kapayapaan.

7Sinabi ni Asa sa mga taga-Juda, “Patatagin natin ang mga bayan na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pader sa paligid nito na may mga tore, at ng mga pintuan at mga kandado. Angkinin natin ang lupaing ito, dahil dumulog tayo sa Panginoon na ating Dios. Binigyan niya tayo ng kapayapaan sa ating mga kalaban sa paligid.” Kaya pinalakas nila ang bayan at naging maunlad sila.

8May 300,000 sundalo si Asa na taga-Juda, na armado ng malalaking pananggalang at mga sibat. At mayroon din siyang 280,000 sundalo na taga-Benjamin, na armado ng maliliit na pananggalang at mga pana. Silang lahat ay matatapang na sundalo.

9Nilusob ni Zera na taga-Etiopia
taga-Etiopia: sa Hebreo, taga-Cush.
ang Juda kasama ang maraming sundalo at 300 karwahe. At nakarating sila hanggang sa Maresha.
10Pumwesto sina Asa sa Lambak ng Zefata malapit sa Maresha. 11Pagkatapos, nanalangin si Asa sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, wala na pong iba pang makakatulong sa mga taong walang kakayahan laban sa mga makapangyarihan kundi kayo lang. Tulungan nʼyo po kami, O Panginoon naming Dios, dahil umaasa po kami sa inyo, at sa inyong pangalan, pumunta kami rito laban sa napakaraming sundalong ito. O Panginoon, kayo po ang aming Dios; huwag nʼyo pong payagang manaig ang tao laban sa inyo.”

12Kaya dinaig ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at ng mga taga-Juda. Tumakas ang mga taga-Etiopia, 13at hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga sundalo hanggang sa Gerar. Marami sa mga ito ang namatay at hindi na makalaban pa. Dinaig sila ng Panginoon at ng kanyang mga sundalo. Maraming ari-arian ang nasamsam ng mga sundalo ng Juda. 14Nilipol nila ang mga baryo sa paligid ng Gerar, dahil dumating sa mga ito ang nakakatakot na parusa ng Panginoon. Sinamsam nila ang mga ari-arian ng mga bayan dahil marami ang mga ari-arian nito. 15Nilusob din nila ang mga kampo ng mga tagapagbantay ng mga hayop, at pinagkukuha ang mga tupa, mga kambing at mga kamelyo. Pagkatapos, nagsibalik sila sa Jerusalem.

Copyright information for TglASD