‏ 2 Chronicles 7

Ang Pagtatalaga ng Templo

(1 Hari 8:62-66)

1Nang matapos ni Solomon ang kanyang panalangin, may apoy na bumaba mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, at nabalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang templo. 2Hindi makapasok ang mga pari sa templo ng Panginoon dahil ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay bumalot sa templo. 3Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang apoy na bumaba at ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng templo, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon na may pasasalamat. Sinabi nila, “Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”

4Pagkatapos, naghandog sa Panginoon si Haring Solomon at ang lahat ng mamamayan. 5Naghandog sila ng 22,000 baka at 120,000 tupaʼt kambing. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng mga mamamayan ang templo ng Panginoon. 6Pumwesto ang mga pari sa templo, at ganoon din ang mga Levita na umaawit, “Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.” Tinutugtog nila ang awit gamit ang mga instrumento na ipinagawa ni Haring David sa pagpupuri sa Dios. Sa harap ng mga Levita, ang mga pari ay nagpapatunog din ng mga trumpeta nila habang nakatayo ang lahat ng mga Israelita.

7Itinalaga ni Solomon ang bakuran sa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na ipinagawa niya ay hindi kakasya para sa mga handog na ito.

8Nagdiwang pa si Solomon at ang lahat ng mga Israelita ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ng pitong araw. Napakarami ng mga mamamayan na nagtipon mula sa Lebo Hamat sa gawing hilaga hanggang sa Lambak ng Egipto sa gawing timog. 9Nang ikawalong araw, ginanap nila ang huling pagtitipon, dahil ipinagdiwang nila ang pagtatalaga ng altar at ng buong templo nang ikapitong araw at ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol nang ikapito ring araw. 10Kinabukasan, na siyang ika-23 araw ng ikapitong buwan, pinauwi ni Solomon ang mga tao. Umuwi sila na masaya dahil sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon kay David at kay Solomon, at sa mga mamamayan niyang Israelita.

Nagpakita ang Dios kay Solomon

(1 Hari 9:1-9)

11Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. Natapos niya ang lahat ng binalak niya para rito. 12At isang gabi, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Narinig ko ang panalangin mo at pinili ko ang templong ito na lugar para pag-aalayan ng mga handog.

13“Halimbawang hindi ko paulanin, o kaya namaʼy magpadala ako ng mga balang sa lupa na kakain ng mga tanim, o magpadala ako ng salot sa aking mga mamamayan; 14at kung ang mga mamamayan ko na aking tinawag ay magpakumbaba, manalangin, dumulog sa akin, at tumalikod sa ginagawa nilang kasamaan, diringgin ko sila mula sa langit at patatawarin ang kanilang kasalanan, at pagpapalain ko ulit pagpapalain ang kanilang lupain. 15Papansinin ko sila at pakikinggan ang kanilang mga panalangin sa lugar na ito, 16dahil ang templong ito ay pinili kong isang lugar kung saan pararangalan ako magpakailanman. Iingatan ko ito at laging aalagaan.

17“At ikaw, kung mamumuhay ka sa aking harapan gaya ng iyong amang si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, 18paghahariin ko ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong amang si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Hindi ka mawawalan ng angkan na maghahari sa Israel.’ 19Pero kung tatalikod kayo at hindi tutuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, 20palalayasin ko kayo sa lupain na ibinigay ko sa inyo, at itatakwil ko ang templong ito na pinili kong lugar para sa karangalan ng aking pangalan. At itoʼy kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao. 21At kahit maganda at tanyag ang templong ito, gigibain ko ito. Magugulat at magtataka ang lahat ng daraan dito at magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at sa templong ito?’ 22Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto, at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kasamaang ito.’ ”

Copyright information for TglASD