‏ 2 Chronicles 8

Ang Iba Pang Naipatayo ni Solomon

(1 Hari 9:10-28)

1Pagkatapos ng 20 taong pagpapatayo ni Solomon ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, 2muli niyang ipinatayo ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Hiram
Hiram: o, Huram.
at pinatirhan sa mga Israelita.
3Ito rin ang panahong nilusob ni Solomon at inagaw ang Hamat Zoba. 4Ipinatayo rin niyang muli ang Tadmor na nasa disyerto at ang mga lungsod sa Hamat na pinaglalagyan ng kanyang mga pangangailangan. 5Pinatibay niya ang itaas at ilalim na bahagi ng Bet Horon. Pinaligiran niya ito ng mga pader at pinalagyan ng pintuan na may mga kandado. 6Ganito rin ang ginawa niya sa Baalat at sa iba pang mga lungsod na lagayan ng kanyang mga pangangailangan, mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng gusto niyang ipatayo sa Jerusalem, Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.

7 8May mga tao pang naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ang mga lahi ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng mga Israelita nang agawin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na gumawa, at nanatili silang alipin hanggang ngayon. 9Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya itong kanyang mga sundalo, mga kapitan ng kanyang mga sundalo at mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 10Ang 250 sa kanilaʼy ginawa ni Solomon na mga opisyal na namamahala ng mga gumagawa sa kanyang mga proyekto.

11Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa na anak ng Faraon,
Faraon: o hari ng Egipto.
inilipat niya ang kanyang asawa roon mula sa Lungsod ni David. Sapagkat sinabi niya, “Hindi pwedeng tumira ang asawa ko sa palasyo ni Haring David, dahil banal ang lugar na iyon dahil naroon dati ang Kahon ng Panginoon.”

12Pagkatapos, naghandog si Solomon ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon sa altar na kanyang ipinatayo sa harapan ng balkonahe ng templo. 13Tinupad niya ang utos ni Moises na maghandog ayon sa nararapat na ihandog araw-araw at sa panahon ng Araw ng Pamamahinga, Pista ng Pagsisimula ng Buwan,
Pista ng Pagsisimula ng Buwan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
at ng tatlong pista na ipinagdiriwang taun-taon: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng Pag-aani, at Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.
14At ayon sa tuntunin ng ama niyang si David, pinagbukod-bukod niya ang mga pari at mga Levita para sa kanilang mga gawain. Ang mga Levita ang nangunguna sa mga tao sa pagpupuri sa Dios at sila ang tumutulong sa mga pari sa kanilang gawain sa templo araw-araw. Ibinukod din niya ang mga guwardya ng bawat pintuan sa templo, dahil ito ang utos ni David na lingkod ng Dios. 15Sinunod ni Solomon ang lahat ng utos ni Haring David tungkol sa mga pari at mga Levita at sa mga bodega.

16Natapos ang lahat ng ipinagawa ni Solomon sa templo, mula sa paglalagay ng pundasyon nito hanggang sa matapos ito.

17Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion Geber at Elat, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom. 18Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko na pinamahalaan ng sarili niyang mga opisyal na mahuhusay na mandaragat. Naglakbay sila kasama ng mga tauhan ni Solomon papuntang Ofir. At sa pagbalik nila, may dala silang mga 16 na toneladang ginto, at dinala nila ito kay Haring Solomon.

Copyright information for TglASD