‏ 2 Samuel 2

Ginawang Hari ng Juda si David

1Pagkatapos nito, nagtanong si David sa Panginoon, “Pupunta po ba ako sa isa sa mga bayan ng Juda?” Sumagot ang Panginoon, “Pumunta ka.” Muling nagtanong si David, “Saan po roon?” Sumagot ang Panginoon, “Sa Hebron.” 2Kaya pumunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawang sina Ahinoam na taga-Jezreel at Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. 3Isinama rin ni David ang mga tauhan niya at mga pamilya nila, at doon sila tumira sa Hebron at sa mga lugar sa paligid nito. 4Di nagtagal, pumunta ang mga pinuno ng Juda sa Hebron, at pinahiran ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Juda.

Nang mabalitaan ni David na ang mga taga-Jabes Gilead ang naglibing kay Saul,
5nagpadala siya ng mga mensahero na nagsabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa ipinakita nʼyong kabutihan kay Saul na hari ninyo sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya. 6Ipakita sana ng Panginoon ang pagmamahal at katapatan niya sa inyo, at ipapakita ko rin sa inyo ang kabutihan ko dahil sa ginawa ninyo. 7At ngayon, magpakatatag kayo at lakasan nʼyo ang loob nʼyo kahit patay na ang hari
hari: sa Hebreo, amo.
ninyong si Saul. Ako naman ay pinili ng mga taga-Juda bilang kanilang hari.”

Ang Alitan sa Pagitan ng Pamilya nina David at Saul

8Ngayon, ang kumander ng mga sundalo ni Saul, na si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa Mahanaim kasama si Ishboshet na anak ni Saul. 9Doon, hinirang niyang hari ng buong Israel si Ishboshet, kasama na rito ang mga lugar ng Gilead, Ashuri, Jezreel, Efraim at Benjamin. 10Si Ishboshet ay 40 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Si David naman ang kinikilalang hari ng mga taga-Juda, 11at naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan. Doon siya nanirahan sa Hebron.

12Isang araw, nagpunta si Abner sa Gibeon mula sa Mahanaim kasama ang mga tauhan ni Ishboshet. 13Sinalubong sila ni Joab na anak ni Zeruya, kasama ng iba pang mga tauhan ni David doon sa Imbakan ng Tubig sa Gibeon. Umupo ang grupo ni Abner sa kabilang panig ng Imbakan ng Tubig at ang grupo naman ni Joab ay naupo rin sa kabilang panig. 14Sinabi ni Abner kay Joab, “Paglabanin natin sa ating harapan ang ilan sa mahuhusay nating sundalo.” Pumayag si Joab, 15at tumayo ang 12 tauhan ni Ishboshet na mula sa lahi ni Benjamin para makipaglaban sa 12 tauhan ni David. 16Hinawakan nila ang ulo ng isaʼt isa at nagsaksakan hanggang sa mamatay silang lahat. Kaya tinawag na Helkat Hazurim
Helkat Hazurim: Ang ibig sabihin, ang lugar na nagkaroon ng labanan sa pamamagitan ng espada.
ang lugar na iyon sa Gibeon.
17At nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang grupo. At nang araw na iyon, natalo si Abner at ang mga tauhan ng Israel laban sa mga tauhan ni David.

18 19Kasama sa labanan ang tatlong anak ni Zeruya na sina Joab, Abishai at Asahel. Mabilis tumakbo si Asahel gaya ng usa, at hinabol niya si Abner nang walang lingon-lingon. 20Nang lumingon si Abner, nakita niya ito at tinanong, “Ikaw ba iyan, Asahel?” Sumagot si Asahel, “Ako nga.” 21Pagkatapos, sinabi ni Abner sa kanya, “Huwag mo na akong habulin, iyong isa na lang sa mga kasama ko ang habulin mo at kunin mo ang kagamitan niya.” Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya.

22Muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Tumigil ka sa paghabol sa akin! Huwag mo akong piliting patayin ka. Wala na akong mukhang maihaharap sa kapatid mong si Joab kung papatayin kita.” 23Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya, kaya tinusok niya ito ng dulo ng sibat, at tumagos ito hanggang sa likod. Bumagsak siya sa lupa at tuluyang namatay. Napahinto ang lahat ng dumadaan sa lugar na kinamatayan ni Asahel.

24 Nang malaman nina Joab at Abishai ang nangyari, hinabol nila si Abner. Papalubog na ang araw nang makarating sila sa burol ng Amma malapit sa Gia, sa daang papunta sa ilang ng Gibeon. 25Nagtipon kay Abner sa itaas ng burol ang mga sundalo mula sa lahi ni Benjamin para maghanda sa pakikipaglaban. 26Sinigawan ni Abner si Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Hindi mo ba naunawaan na sama lang ng loob ang ibubunga nito? Kailan mo patitigilin ang mga tauhan mo sa paghabol sa aming mga kadugo nʼyo?”

27Sumagot si Joab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Dios na buhay, na kung hindi mo iyan sinabi patuloy kayong hahabulin ng mga tauhan ko hanggang umaga.” 28Kaya pinatunog ni Joab ang trumpeta, at ang lahat niyang tauhan ay tumigil sa pagtugis sa mga Israelita. At tumigil ang labanan. 29Buong gabing naglakad si Abner at ang mga tauhan niya sa Lambak ng Jordan.
Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba.
Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagpatuloy sa paglalakad buong umaga hanggang sa makarating sila sa Mahanaim.

30Nang huminto si Joab sa paghabol kay Abner, siya at ang mga tauhan niya ay umuwi na rin. Nang tipunin ni Joab ang mga tauhan niya, nalaman niyang bukod kay Asahel, 19 ang napatay sa kanila. 31Pero 360 ang napatay nila sa mga tauhan ni Abner, at ang lahat ng iyon ay mula sa lahi ni Benjamin. 32Kinuha nina Joab ang bangkay ni Asahel at inilibing sa libingan ng kanyang ama sa Betlehem. Pagkatapos, buong gabi silang naglakad, at kinaumagahan, nakarating sila sa Hebron.

Copyright information for TglASD