Esther 4
Humingi ng Tulong si Mordecai kay Ester
1Nang malaman ni Mordecai ang plano laban sa kanila, pinunit niya ang damit niya bilang pagpapakita ng kanyang pagdadalamhati. At nagsuot siya ng sako, naglagay ng abo sa ulo, at pumasok sa lungsod na umiiyak nang napakalakas. 2Pero hanggang doon lang siya sa labas ng pintuan ng palasyo, dahil hindi pinapayagang pumasok sa palasyo ang nakasuot ng sako. 3Ang mga Judio sa bawat probinsya na nakarinig sa utos ng hari ay nagsipag-ayuno, nag-iyakan nang napakalakas, at nanaghoy. Marami sa kanila ang nagsuot ng sako at humiga sa abo.4Nang malaman ni Reyna Ester ang tungkol kay Mordecai sa pamamagitan ng mga alipin niyang babae at mga pinunong nangangalaga sa kanya, nalungkot siya. Pinadalhan niya ng damit si Mordecai para palitan ang kanyang suot na sako, pero hindi niya ito tinanggap. 5Kaya ipinatawag ni Ester si Hatak. Isa siya sa mga pinuno ng hari na itinalagang mag-asikaso sa kanya. Pinapunta niya si Hatak kay Mordecai para alamin kung bakit siya nagkakaganoon.
6Kaya pinuntahan naman ni Hatak si Mordecai sa plasa ng lungsod na nasa harap ng pintuan ng palasyo. 7Sinabi sa kanya ni Mordecai ang lahat ng nangyari at kung magkano ang ipinangako ni Haman na ibibigay sa taguan ng kayamanan ng kaharian ng Susa, para patayin ang lahat ng Judio. 8Binigyan siya ni Mordecai ng isang kopya ng kautusan ng hari na ipinagbigay-alam sa mga taga-Susa, para ipakita kay Ester. Sinabihan din niya si Hatak na sabihing lahat kay Ester ang lahat ng nangyari, at pakiusapan ito na pumunta sa hari upang magmakaawa para sa mga kalahi niya.
9Bumalik si Hatak kay Ester at sinabi ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10Pinabalik muli ni Ester si Hatak kay Mordecai at ipinasabi ang ganito. 11“Alam ng lahat sa buong kaharian na ang sinumang lalapit sa hari sa loob ng kanyang bulwagan, lalaki man o babae na hindi ipinapatawag ay papatayin, maliban na lang kung ituturo ng hari ang kanyang gintong setro sa taong ito. At isang buwan na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12Pagkatapos na masabi kay Mordecai ang ipinapasabi ni Ester, 13ito naman ang ipinasabi niya kay Ester, “Huwag mong isiping ikaw lang sa lahat ng Judio ang makakaligtas dahil sa palasyo ka nakatira. 14Sapagkat kahit na manahimik ka sa panahong ito, may ibang tutulong at magliligtas sa mga Judio, pero ikaw at ang mga kamag-anak mo ay mamamatay. Baka nga kaya ka ginawang reyna ay para mailigtas mo ang kapwa mo mga Judio.”
15Ito naman ang ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16“Humayo ka, tipunin mo ang lahat ng Judio na nandito sa Susa at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom sa loob ng tatlong araw. Ako at ang mga alipin kong babae ay mag-aayuno rin. At pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit na labag sa batas. At kung papatayin man ako, handa akong mamatay.”
17Kaya umalis si Mordecai at ginawa niya ang ipinapagawa ni Ester.
Copyright information for
TglASD