Esther 5
Nakiusap si Ester sa Hari
1Nang ikatlong araw, isinuot ni Ester ang kasuotan niyang pangreyna, at tumayo sa bulwagan ng palasyo na nakaharap sa trono ng hari. Nakaupo noon ang hari sa trono niya at nakaharap siya sa pintuan. 2Nang makita niya si Reyna Ester, tuwang-tuwa siya at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Kaya lumapit si Ester at hinipo ang dulo ng setro.3Nagtanong ang hari sa kanya, “Ano ang kailangan mo Mahal na Reyna? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” 4Sumagot si Ester, “Mahal na Hari, kung ibig po ninyo, inaanyayahan ko po kayo at si Haman sa hapunang ihahanda ko para sa inyo.” 5Sinabi ng hari sa mga alipin niya, “Tawagin ninyo si Haman para masunod namin ang nais ni Ester.” Kaya pumunta agad ang hari at si Haman sa hapunang inihanda ni Ester. 6At habang nag-iinuman sila, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba talaga ang kailangan mo? Sabihin mo na dahil ibibigay ko sa iyo kahit ang kalahati ng kaharian ko.” 7Sumagot si Ester, “Ito po ang kahilingan ko, 8kung kalugod-lugod po ako sa inyo, at gusto ninyong ibigay ang kahilingan ko, minsan ko pa po kayong inaanyayahan at si Haman sa hapunan na ihahanda ko para sa inyo bukas. At saka ko po sasabihin ang kahilingan ko sa inyo.”
Nagplano si Haman na Patayin si Mordecai
9Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas sa palasyo si Haman. Pero nagalit siya nang makita niya si Mordecai sa pintuan ng palasyo na hindi man lang tumayo o yumukod bilang paggalang sa kanya. 10Ganoon pa man, pinigilan niya ang kanyang sarili at nagpatuloy sa pag-uwi.Pagdating sa bahay niya, tinawag niya ang mga kaibigan niya at ang asawa niyang si Zeres. 11Ipinagmalaki niya sa kanila ang kayamanan at mga anak niya, ang lahat ng pagpaparangal sa kanya ng hari pati na ang pagbibigay sa kanya ng pinakamataas na katungkulan sa lahat ng pinuno at sa iba pang mga lingkod ng hari. 12Sinabi pa niya, “Hindi lang iyon, noong naghanda ng hapunan si Reyna Ester, ako lang ang inanyayahan niyang makasama ng hari. At muli niya akong inanyayahan sa ihahanda niyang hapunan bukas kasama ng hari. 13Pero ang lahat ng itoʼy hindi makapagbibigay sa akin ng kaligayahan, habang nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng palasyo.”
14Sinabi sa kanya ng kanyang asawaʼt mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng matulis na kahoy na 75 talampakan ang taas. At bukas ng umaga, hilingin mo sa hari na ituhog doon si Mordecai para maging maligaya kang kasama ng hari sa inihandang hapunan.” Nagustuhan iyon ni Haman kaya nagpagawa siya niyon.
Copyright information for
TglASD