Ezekiel 11
Ang Parusa ng Dios sa Jerusalem
1Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa templo ng Panginoon, sa may pintuan na nakaharap sa silangan. May 25 tao roon, dalawa sa kanila ay sina Jaazania na anak ni Azur at Pelatia na anak ni Benaya na mga tagapamahala ng mga tao. 2Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sila ang mga taong nagpaplano at nagpapayo ng masama sa lungsod na ito. 3Sinasabi nila, ‘Hindi baʼt malapit na ang panahon para magtayo ng mga bahay? Ang lungsod natin ay katulad ng kaldero at tayo naman ay parang mga karne sa loob na hindi masusunog ng apoy.’ 4Kaya anak ng tao, magsalita ka laban sa kanila.”5Pagkatapos, nilukuban ako ng Espiritu ng Panginoon at inutusang sabihin ito: “Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo mga mamamayan ng Israel: Alam ko kung ano ang sinasabi at iniisip ninyo. 6Marami kayong pinatay sa lungsod na ito at nagkalat ang mga bangkay sa lansangan. 7Kaya ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa inyo: Ang lungsod na ito ay natulad sa kaldero, at ang mga bangkay na inyong kinalat sa lungsod ay ang nagsilbing karne. At kayo naman ay papalayasin ko sa lungsod na ito. 8Natatakot kayo sa digmaan ▼
▼digmaan: sa literal, espada.
pero ipapalasap ko ito sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 9Palalayasin ko kayo sa lungsod na ito at ipapabihag sa mga dayuhan at uudyukan ko silang parusahan kayo. 10Mamamatay kayo sa digmaan at hahatulan ko kayo hanggang sa mga hangganan ng Israel at malalaman ninyong ako ang Panginoon. 11Ang lungsod na itoʼy hindi magiging tulad ng kaldero para sa inyo, at kayoʼy hindi magiging tulad ng karne sa loob nito. Sapagkat hahatulan ko kayo hanggang sa hangganan ng Israel. 12At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. Gagawin ko ito dahil hindi ninyo sinunod ang mga utos at tuntunin ko. Sa halip, sinunod ninyo ang tuntunin ng ibang bansa sa palibot ninyo.” 13Habang sinasabi ko ang ipinasasabi ng Dios, namatay si Pelatia na anak ni Benaya. Nagpatirapa ako at sumigaw, “O Panginoong Dios, uubusin ba ninyo ang lahat ng natitirang mga Israelita?” 14Sinabi sa akin ng Panginoon, 15“Anak ng tao, ang mga natitira sa Jerusalem ay nagsabi ng ganito tungkol sa kapwa nila Israelitang binihag. ‘Malayo sila sa Panginoon, kaya sa atin na ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito.’
16“Kaya sabihin mo sa mga kasamahan mong bihag na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi ‘Kahit ipinabihag ko kayo at ipinangalat sa ibaʼt ibang bansa, kasama nʼyo pa rin ako sa mga lugar na iyon. 17Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing muli ko kayong titipunin mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat at ibibigay kong muli sa inyo ang lupain ng Israel. 18At sa inyong pagbabalik, alisin ninyo ang lahat ng kasuklam-suklam na dios-diosan. 19Babaguhin ko ang inyong puso at pag-iisip nang hindi na kayo maging masuwayin kundi maging masunurin at tapat sa akin. 20Tutuparin na ninyo ang mga utos koʼt mga tuntunin. Magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo. 21Pero ang mga sumasamba sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan ay parurusahan ko ayon sa mga ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”
22Pagkatapos, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong sa gilid nila at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila. 23At pumailanlang ito mula sa lungsod at bumaba sa bundok, sa silangan ng lungsod. 24Pagkatapos, nakita ko sa pangitaing ibinigay sa akin ng Espiritu ng Dios, na ibinalik ako sa mga bihag doon sa Babilonia. Pagkatapos ay nawala ang pangitain. 25At isinalaysay ko sa mga bihag ang lahat ng pangitain na ipinakita sa akin ng Panginoon.
Copyright information for
TglASD