Job 13
1“Nakita koʼt napakinggan ang lahat ng sinabi ninyo, at itoʼy aking naunawaan. 2Ang alam ninyo ay alam ko rin. Hindi kayo nakahihigit sa akin. 3Pero hindi na ako makikipagtalo sa inyo tungkol sa kalagayan ko. Sa Makapangyarihang Dios ko na lang ito idudulog. 4Sapagkat pinagsisikapan ninyong gamutin ako ng kasinungalingan. Lahat kayoʼy parang manggagamot na walang silbi. 5Mas mabuti pang tumahimik na lang kayo. Iyan ang pinakamabuti nʼyong gawin.6“Pakiusap naman! Pakinggan ninyo ang katuwiran ko. 7Ipagtatanggol nʼyo ba ang Dios sa pamamagitan ng pagsisinungaling? 8Kumakampi ba kayo sa kanya? Ipagtatanggol ba ninyo siya? 9Kung siyasatin kaya kayo ng Dios, may kabutihan kaya siyang makikita sa inyo? Huwag ninyong isipin na madadaya ninyo siya tulad ng pandaraya ninyo sa mga tao. 10Tiyak na sasawayin kayo ng Dios kahit na kinakampihan ninyo siya. 11Hindi ba kayo natatakot sa kapangyarihan niya? 12Ang mga binabanggit nʼyong kasabihan ay walang kabuluhan; itoʼy parang abo. Ang mga katuwiran nʼyo ay marupok gaya ng palayok.
13“Tumahimik kayo habang nagsasalita ako, at anuman ang mangyari sa akin, bahala na. 14Nakahanda akong itaya ang buhay ko. 15Tiyak na papatayin ako ng Dios; wala na akong pag-asa. Pero ipagtatanggol ko pa rin ang aking sarili sa kanya. 16Baka sakaling sa pamamagitan nito ay maligtas ako, dahil walang masamang tao na makakalapit sa kanya.
17“Pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 18Ngayong handa na akong ipagtanggol ang sarili ko; alam kong mapapawalang-sala ako. 19Sino ang makapagpaparatang na nagkasala ako? Kung mayroon nga, mananahimik na lang ako hanggang sa mamatay.
20“O Dios, dalawang bagay lang ang hinihiling ko sa inyo, na kung ibibigay nʼyo sa akin ay hindi na ako magtatago sa inyo: 21Tigilan nʼyo na ang pagpaparusa sa akin at huwag nʼyo na akong takutin ng mga nakakatakot na parusa ninyo. 22Kausapin nʼyo ako at sasagot ako, o kayaʼy ako ang magsasalita sa iyo at sagutin nʼyo ako. 23Anu-ano po ba ang mga nagawa kong pagkakamali at kasalanan? Sabihin nʼyo po sa akin ang aking pagkakamali at mga kasalanan. 24Bakit umiiwas kayo sa akin at itinuturing nʼyo akong kaaway? 25Bakit nʼyo ako tinatakot at hinahabol? Para lang akong dahon o tuyong ipa na tinatangay ng hangin. 26Inililista nʼyo ang mabibigat na paratang laban sa akin at isinasama nʼyo pa ang lahat ng kasalanan ko noong bata pa ako. 27Para nʼyong ikinadena ang aking mga paa. Bawat hakbang koʼy binabantayan nʼyo, at pati bakas ng paa koʼy sinusundan ninyo. 28Kaya para na akong isang bagay na nabubulok o isang damit na sinisira ng amag.
Copyright information for
TglASD