‏ Job 15

Nagsalita si Elifaz

1Sumagot si Elifaz na taga-Teman, 2Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. 3Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. 4Pero ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Dios at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. 5Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. 6Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. 7Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? 8Narinig mo na ba ang mga plano ng Dios? Ikaw lang ba ang marunong? 9Ano bang alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? 10Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. 11Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Dios na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? 12Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? Nabubulagan ka na ba sa katotohanan 13para magalit ka sa Dios at magsalita ng masama laban sa kanya? 14Kaya ba ng isang tao na mamuhay ng malinis at matuwid sa paningin ng Dios? 15Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Dios sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, 16ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama?

17Job, pakinggan mo ako. Sasabihin ko sa iyo at ipapaliwanag ang mga naranasan ko. 18May masasabi rin tungkol dito ang mga marurunong na tao na natuto sa kanilang mga ninuno. 19Sila lang ang nagmamay-ari ng kanilang lupain, at walang dayuhang sumakop sa kanila.

20“Ang taong masama ay maghihirap habang buhay. 21Palagi siyang kinakabahan kahit na walang panganib, dahil iniisip niya na baka salakayin siya ng mga tulisan. 22Takot din siyang pumunta sa dilim dahil baka may pumatay sa kanya. 23Kung saan-saan siya naghahanap ng pagkain. Alam niyang malapit nang dumating ang kapahamakan.
malapit nang dumating ang kapahamakan: sa literal, malapit na ang araw ng kadiliman.
24Kaya labis ang kanyang pagkatakot, katulad ng hari na naghahanda sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway. 25Nangyayari ito sa kanya dahil nagrerebelde at sumusuway siya sa Makapangyarihang Dios. 26Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag at handang kalabanin ang Dios. 27Kahit mataba at mayaman siya ngayon, 28titira siya sa mga gibang bayan, sa mga bahay na walang nakatira at malapit nang gumuho. 29Hindi na dadami ang kanyang kayamanan, at ang mga natitira niyang yaman at ari-arian ay hindi na magtatagal. 30Hindi siya makakatakas sa kapahamakan.
kapahamakan: sa literal, kadiliman.
Magiging tulad siya ng puno na ang mga sangaʼy masusunog. Lahat ng ari-arian niya ay mawawala sa isang ihip lamang ng Dios.
31Huwag sana niyang dayain ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan, dahil wala siyang makukuha sa mga iyon. 32Maagang darating sa kanya ang kanyang parusa at hindi na siya uunlad pa.
hindi na siya uunlad pa: sa literal, ang kanyang mga sanga ay hindi na tutubuan ng mga dahon.
33At magiging tulad siya ng ubas na nalalagas ang mga hilaw na bunga o katulad ng olibo na nalalagas ang mga bulaklak. 34Sapagkat mamamatay ng walang lahi ang mga taong walang takot sa Dios. At ang mga bahay na itinayo nila mula sa mga suhol ay masusunog. 35Ang lagi nilang iniisip ay ang manggulo, gumawa ng masama, at mandaya.”

Copyright information for TglASD