‏ Job 18

Nagsalita si Bildad

1Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,

2Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. 3Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? 4Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?

5“Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. 6Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. 7Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. 8Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. 9Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya
pamilya: o, bayan.
niya.
20Ang mga tao sa saanmang lugar
sa saanmang lugar: sa literal, sa silangan at sa kanluran.
ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya.
21Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”

Copyright information for TglASD