Job 2
Ang Pangalawang Pagsubok kay Job
1Isang araw, muling nagtipon ang mga anghel ▼▼mga anghel: sa literal, mga anak ng Dios.
sa presensya ng Panginoon, at muli ring sumali sa kanila si Satanas. 2Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” 3Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya, malinis ang pamumuhay, may takot sa akin at umiiwas sa kasamaan. Tapat pa rin siya sa akin, kahit na pinilit mo akong payagan ka na sirain siya ng walang dahilan.” 4Sinabi ni Satanas, “Matatanggap ng tao na mawala ang lahat sa kanya bastaʼt buhay lang siya. 5Pero kapag siya na ang sinaktan mo, tiyak na isusumpa ka niya.” 6Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “O sige, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, pero huwag mo siyang papatayin.” 7Kaya umalis si Satanas sa presensya ng Panginoon, at sinaktan si Job sa pamamagitan ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan. 8Kumuha si Job ng basag na palayok at ginamit na pangkayod sa kanyang mga sugat habang nakaupo sa abo. 9Sinabi sa kanya ng asawa niya, “Ano, tapat ka pa rin ba sa iyong Dios? Sumpain mo na siya at nang mamatay ka na!” 10Sumagot si Job, “Nagsasalita ka ng walang kabuluhan. Mabubuting bagay lang ba ang tatanggapin natin mula sa Dios at hindi ang masasama?” Sa kabila ng lahat ng nangyari kay Job ay hindi siya nagkasala kahit sa pananalita.
Ang Tatlong Kaibigan ni Job
11Tatlo sa kaibigan ni Job ang nakabalita tungkol sa masamang nangyari sa kanya. Itoʼy sina Elifaz na taga-Teman, si Bildad na taga-Shua, at si Zofar na taga-Naama. Nagkasundo silang dalawin si Job para makiramay at aliwin. 12Malayu-layo pa sila, nakita na nila si Job, pero halos hindi na nila ito makilala. Kaya napaiyak sila nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo bilang pagpapakita ng pagdadalamhati. 13Pagkatapos, umupo sila sa lupa kasama ni Job sa loob ng pitong araw at pitong gabi. Hindi sila nagsalita dahil nakita nila ang labis na paghihirap na dinaranas ni Job.
Copyright information for
TglASD