‏ Job 3

Nagsalita si Job

1Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na isinilang siya. 2Sinabi niya, 3“Isinusumpa ko ang araw na akoʼy ipinanganak. 4Naging madilim na lang sana ang araw na iyon at hindi na sinikatan ng araw. Kinalimutan na lang sana ng Dios sa langit ang araw na iyon. 5Nanatili na lang sana itong madilim o natatakpan ng makapal na ulap, at nilukuban na lang sana ng kadiliman ang kaliwanagan. 6Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo. 7Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon. 8Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan.
Leviatan: Maaaring dambuhalang hayop, buwaya, ahas, o balyena.
9Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway. 10Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap.

11“Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina. 12Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina? 13Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga 14kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo
palasyo: o, gusali.
na giba na ngayon.
giba na ngayon: o, na muling itatayo.
15Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak. 16Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag. 17Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na. 18Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho. 19Naroon ang lahat ng uri ng tao, tanyag man o hindi. At ang mga alipin ay malaya na sa kanilang amo.

20“Bakit pa pinapayagang mabuhay ang taong nagtitiis at nagdurusa? 21Nagnanais silang mamatay pero hindi pa rin sila namamatay. Hangad nila ang kamatayan ng higit pa sa isang taong naghahanap ng nakatagong kayamanan. 22Mas sasaya sila kapag namatay na at nailibing. 23Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan? 24Hindi ako makakain dahil sa labis na pagdaramdam at walang tigil ang aking pagdaing. 25Ang kinatatakutan koʼy nangyari sa akin. 26Wala akong kapayapaan at katahimikan. Wala akong kapahingahan, pawang kabagabagan ang nararanasan ko.”

Copyright information for TglASD