Job 5
1“Job, kahit humingi ka ng tulong, walang tutulong sa iyo. Kahit ang mga anghel ▼▼ang mga anghel: sa literal, ang mga banal.
ay hindi ka tutulungan. 2Ang galit at paninibugho ay pumapatay sa hangal at sa walang karunungan. 3Ayon sa aking nakita at nalaman, maaaring umunlad ang pamumuhay ng isang hangal, pero bigla na lang isusumpa ng Dios ang sambahayan niya. 4Ang mga anak niyaʼy walang malalapitan at wala ring magtatanggol sa kanila sa hukuman. 5Ang ani niyaʼy kakainin ng iba. At kahit ang mga bungang nasa tinikan ay kukunin ng mga taong gutom. Ang kayamanan niyaʼy aagawin ng mga taong uhaw sa mga ari-arian. 6Ang kahirapan at kaguluhan ay hindi tumutubo sa alikabok o lupa. 7Likas sa tao ang gumawa ng kahirapan at kaguluhan, tulad ng alipatong mula sa apoy na lumilipad paitaas. 8“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan. 9Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin. 10Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin. 11Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati. 12Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, para hindi sila magtagumpay. 13Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mandaraya. 14Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sila na parang gabi kahit na katanghalian. 15Inililigtas ng Dios ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila. 16Kaya may pag-asa ang mga dukha, pero ang masasama ay kanyang sinasaway.
17“Mapalad ang taong itinutuwid ng Dios ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Makapangyarihang Dios sa iyo. 18Sapagkat ang kanyang mga sinusugatan ay kanya ring ginagamot, at ang kanyang sinasaktan ay kanya ring pinagagaling. 19Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib. 20Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan. 21Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan. 22Ang taggutom at kapahamakan ay iyong tatawanan at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop, 23sapagkat hindi ka gagalawin ng mga ito. At hindi ka na mahihirapang magtanim sa bukid mong mabato. 24Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop. 25Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa. 26Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon. ▼
▼at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon: sa literal, gaya ng mga hinog na butil na inani sa tamang panahon.
27Ayon sa aming nalaman at naranasan, napatunayan namin na talagang totoo ang lahat ng ito. Kaya dinggin mo ito at isabuhay para sa ikabubuti mo.”
Copyright information for
TglASD