‏ Job 7

1“Ang buhay ng tao dito sa mundo ay napakahirap. Itoʼy kasinghirap ng araw-araw na pagtatrabaho ng isang manggagawa, 2o gaya ng isang aliping nagnanais na sumapit na ang hapon upang siyaʼy makapagpahinga, o tulad ng isang manggagawang naghihintay ng kanyang sweldo. 3Ganyan din ang kalagayan ko. Ilang buwan na ang aking paghihirap na walang kabuluhan. Kahit gabiʼy naghihirap ako, 4at habang nakahiga ako, iniisip ko kung kailan darating ang umaga. Napakabagal ng takbo ng oras. Hindi ako mapalagay hanggang magbukang-liwayway. 5Ang katawan koʼy puno ng uod at langib. Nagnanana at pumuputok ang mga pigsa kong namamaga.”

Nanalangin si Job sa Dios

6“Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa. Mabilis itong lumilipas, higit pa sa bilis ng isang habian
habian: sa ingles, shuttle.
ng manghahabi.
manghahabi: sa Ingles, weaver.
7O Dios, alalahanin nʼyo po na ang buhay koʼy parang isang hinga lamang, at hindi na po ako makadama ng anumang ligaya. 8Nakikita nʼyo po ako ngayon pero sa huli ay hindi na. Hahanapin nʼyo ako ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan. 9Kung papaanong ang mga ulap ay nawawala at hindi na nakikita, ganoon din ang mga namamatay, hindi na sila nakakabalik pa. 10Hindi na siya makakauwi sa kanyang bahay, at makakalimutan na siya ng mga nakakakilala sa kanya.

11“Kaya po hindi ako maaaring manahimik; naninikip na po ang aking dibdib at kailangan ko na pong sabihin ang aking sama ng loob. 12O Dios, bakit nʼyo po ako binabantayan? Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat na dapat bantayan? 13Kung gusto ko pong mahiga para makapagpahinga sa tinitiis kong hirap, 14tinatakot nʼyo naman po ako sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain. 15Kaya mas mabuti pang sakalin na lang ako at mamatay kaysa mabuhay sa katawang ito. 16Kinasusuklaman ko ang aking buhay. Ayoko nang mabuhay. Hayaan nʼyo na lang akong mamatay, dahil wala nang kabuluhan ang aking buhay.

17“Ano po ba ang tao para pahalagahan at pagmalasakitan nʼyo ng ganito? 18Sinisiyasat nʼyo siya tuwing umaga at sinusubukan sa bawat sandali. 19Kung maaari, hayaan na lang muna nʼyo ako kahit sandali lang. 20At kung nagkasala naman po ako, ano po ang kasalanang nagawa ko sa inyo, O Tagapagbantay ng tao? Bakit ako ang pinili nʼyong pahirapan? Naging pabigat po ba ako sa inyo? 21Kung nagkasala po ako sa inyo, bakit hindi nʼyo na lang ako patawarin? Hindi na rin naman magtatagal at papanaw na ako, at kahit hanapin nʼyo ako, hindi nʼyo na ako makikita.”

Copyright information for TglASD