‏ Job 9

Sumagot si Job

1Sumagot si Job,

2“Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios? 3Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito. 4Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?

5“Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit. 6Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga. 7Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag. 8Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon. 9Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan. 10Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin. 11Kapag dumadaan siya sa tabi ko, hindi ko siya nakikita o nararamdaman. 12Kung may gusto siyang kunin, walang makakapigil sa kanya. At sino ang makakapagreklamo sa mga ginagawa niya? 13Hindi pinipigil ng Dios ang kanyang galit. Kahit ang mga katulong ng dragon na si Rahab ay yumuyukod sa takot sa kanya. 14Kaya papaano ko ipagtatanggol ang sarili ko sa Dios? Ano ang mga salitang maaari kong gamitin para makipagtalo sa kanya? 15Kahit na wala akong kasalanan, hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko. Ang magagawa ko lamang ay magmakaawa sa Dios na aking Hukom. 16Kahit hilingin kong magkausap kami at pumayag siya, hindi pa rin niya ako pakikinggan. 17Sapagkat pinapahirapan niya ako na parang sinasalanta ng bagyo, at dinadagdagan pa niya ang paghihirap ko nang walang dahilan. 18Halos malagot na ang aking hininga dahil sa paghihirap na idinulot niya sa akin. 19Kung lakas ang pag-uusapan walang tatalo sa kanya! At kung sa hukuman idadaan, sinong makapaghahabla sa kanya? 20Kahit na wala akong kasalanan, paparusahan pa rin ako dahil sa mga sinabi ko. 21Kahit na wala akong kapintasan, wala na itong halaga sa akin ngayon. Kinamumuhian ko na ang aking buhay. 22Pareho lang naman ang kapalaran ng matuwid at masama. Lahat sila ay mamamatay. 23Kapag biglang namatay sa kalamidad ang matuwid, natatawa lang siya. 24Ipinagkatiwala niya ang mundo sa masasama. Tinatakpan niya ang mata ng mga hukom para hindi sila humatol ng tama. Kung hindi siya ang gumagawa nito, sino pa kaya?

25“Madaling lumipas ang mga araw sa buhay ko; mas mabilis pa ito kaysa sa mananakbo. Lumilipas ito nang walang nakikitang kabutihan. 26Dumadaan ito na kasimbilis ng isang matuling sasakyang pandagat o ng agilang dumadagit ng pagkain. 27Kahit tumigil na ako sa pagdaing at pagdadalamhati at akoʼy ngumiti na, 28nananaig pa rin sa akin ang takot sa mga paghihirap na maaaring dumating sa akin. Dahil alam kong hindi niya ako ituturing na walang kasalanan. 29Yaman din lamang na itinuring na niya akong may kasalanan, wala nang halaga na ipagtanggol ko pa ang aking sarili. 30Kahit sabunan ko pa ang aking buong katawan para luminis, 31ilulubog pa rin niya ako sa maputik na hukay, upang kahit ang sarili kong damit ay ikahiya ako. 32Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman. 33Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa, 34at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot. 35Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”

Copyright information for TglASD