Proverbs 2
Ang Kahalagahan ng Karunungan
1Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. 2Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. 3Pagsikapan mong magkaroon ng pang-unawa, 4na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. 5Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa Panginoon at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya. 6Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. 7– 8Iniingatan niya ang namumuhay nang matuwid, matapat, at walang kapintasan. Binibigyan din niya sila ng katagumpayan. ▼▼katagumpayan: o, tamang kaalaman.
9 Kung makikinig ka sa akin, malalaman mo ang dapat mong gawin, ang tama, matuwid at nararapat. 10Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan. 11Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito. 12Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama. 13Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman. 14Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito. 15Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.
16Ilalayo ka ng karunungan sa masamang babaeng gustong umakit sa iyo sa pamamagitan ng kanyang matatamis na salita. 17Iniwan ng ganyang babae ang napangasawa niya noong kanyang kabataan. Kinalimutan niya ang pangako niya sa Dios nang silaʼy ikasal. 18Kapag pumunta ka sa bahay niya, para ka na ring pumunta sa kamatayan. Sapagkat ito ang daan tungo sa daigdig ng mga patay. 19Kung sino man ang pupunta sa kanya ay hindi na makakauwi; makakalimutan na niya ang daan patungo sa lugar ng mga buhay. 20Kaya tularan mo ang pamumuhay ng mabubuting tao at mamuhay ka ng matuwid. 21Sapagkat ang taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan ay mabubuhay nang matagal dito sa daigdig. 22Ngunit ang masasama at mga mandaraya ay palalayasin. Bubunutin sila na parang mga damo.
Copyright information for
TglASD