‏ Proverbs 3

Dagdag na Kahalagahan ng Karunungan

1Anak, huwag mong kalilimutan ang mga itinuturo ko sa iyo. Ingatan mo sa iyong puso ang mga iniuutos ko, 2sapagkat ito ang magpapahaba at magpapaunlad ng iyong buhay. 3Manatili kang mapagmahal at matapat; alalahanin mo itong lagi at itanim sa iyong isipan. 4Kapag ginawa mo ito, malulugod ang Dios pati na ang mga tao.

5Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. 6Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas. 7Huwag mong isipin na napakarunong mo na. Matakot ka sa Panginoon, at huwag gumawa ng masama. 8Para iyon sa ikabubuti at ikalalakas ng iyong katawan. 9Parangalan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog sa kanya ng mga unang bunga ng iyong ani. 10Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani ang iyong mga bodega at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.

11Anak, huwag mong mamasamain kapag itinatama ka ng Panginoon upang ituwid ang iyong pag-uugali. 12Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang ugali ng kanyang mga minamahal, katulad ng ginagawa ng isang ama sa kanyang anak na kinalulugdan.

13Mapalad ang taong may karunungan at pang-unawa. 14Higit pa ito sa pilak at ginto, 15at sa ano pa mang mga mamahaling bato. Walang anumang bagay ang maaaring ipantay dito. 16Magpapahaba ito ng iyong buhay, magpapaunlad ng iyong kabuhayan at magbibigay sa iyo ng karangalan. 17Ang karunungan ay magpapabuti ng iyong kalagayan. 18Mapalad ang taong may karunungan, dahil magbibigay ito ng mabuti at mahabang buhay.

19 20Sa pamamagitan ng karunungan, nilikha ng Panginoon ang lupa at ang langit, at bumukas ang mga bukal at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.

21Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo. 22Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay. 23Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan. 24Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan. 25Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama, 26dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.

27Hanggaʼt makakaya mo, tulungan mo ang mga dapat tulungan. 28Huwag mo nang ipagpabukas pa, kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.

29Huwag mong pagplanuhan ng masama ang kapitbahay mo na nagtitiwala sa iyo.

30Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo nang walang sapat na dahilan, lalo na kung wala naman siyang ginawang masama sa iyo.

31Huwag kang mainggit sa taong malupit o gayahin ang kanyang mga ginagawa. 32Sapagkat nasusuklam ang Panginoon sa mga taong baluktot ang pag-iisip, ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid.

33Isinusumpa ng Panginoon ang sambahayan ng masasama, ngunit pinagpapala niya ang sambahayan ng mga matuwid.

34Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa, ngunit binibiyayaan niya ang mga mapagpakumbaba.

35Ang mga marunong ay pararangalan, ngunit ang mga hangal ay ilalagay sa kahihiyan.

Copyright information for TglASD