‏ Psalms 32

Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios

1Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
2Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
at walang pandaraya sa kanyang puso.

3Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
4Araw-gabi, hirap na hirap ako
dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.
hirap na hirap ako dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin: sa Hebreo, mabigat ang kamay mo sa akin.

Nawalan na ako ng lakas,
tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
5Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
hindi ko na ito itinago pa.
Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
At pinatawad nʼyo ako.

6Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
habang may panahon pa.
Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
hindi sila mapapahamak.
7Kayo ang aking kublihan;
iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.

8 Sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita habang binabantayan.
9Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa,
na kailangan pang rendahan upang mapasunod.”
10Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama,
ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
11Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon.
Kayong mga namumuhay ng tama,
sumigaw kayo sa galak!
Copyright information for TglASD