‏ Psalms 37

Ang Kahihinatnan ng Masama at Mabuting Tao

1Huwag kang mainis o mainggit man sa masasama,
2dahil tulad ng damo, silaʼy madaling matutuyo,
at tulad ng sariwang halaman, silaʼy malalanta.

3Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti.
Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
4Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan,
at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo.
5Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa;
magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
6Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan,
kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
7Pumanatag ka sa piling ng Panginoon,
at matiyagang maghintay sa gagawin niya.
Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa,
kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila.
8Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot.
Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama.
9Ang masama ay ipagtatabuyan,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.
10Hindi magtatagal at mawawala ang masasama.
At kahit hanapin mo man sila ay hindi mo na makikita.
11Ngunit ang mga mapagpakumbaba ay patuloy na mananahan sa lupain ng Israel nang mapayapa at masagana.

12Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
at galit na galit sila.
13Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
at nakaumang na ang kanilang mga pana
upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
at mababali ang kanilang mga pana.

16Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
kaysa sa kayamanan ng masama.
17Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.

21Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.
23Ginagabayan ng Panginoon ang bawat hakbang ng taong matuwid na ang buhay ay nakakalugod sa kanya.
24Matisod man siyaʼy hindi siya mabubuwal,
dahil hinahawakan siya ng Panginoon.

25Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na,
ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon
o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
26Ang matuwid ay palaging nagbibigay at nagpapahiram,
at ang kanilang mga anak ay nagiging pagpapala sa iba.

27Iwasan ang masama at gawin ang mabuti;
nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman.
28Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan,
at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan.
Silaʼy iingatan niya magpakailanman.
Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
29Ang mga matuwid ay mananahan magpakailanman sa lupain ng Israel na sa kanilaʼy ipinamana.

30Ang taong matuwid ay nagsasalita ng tama, at may karunungan.
31Ang Kautusan ng Dios ay iniingatan niya sa kanyang puso,
at hindi niya ito sinusuway.
32Ang mga taong masamaʼy laging nagbabantay
upang salakayin at patayin ang taong may matuwid na pamumuhay.
33Ngunit hindi pababayaan ng Panginoon ang taong matuwid
sa kamay ng kanyang mga kaaway,
o parurusahan man kapag siyaʼy hinatulan.

34Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan.
Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel,
at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.

35Nakita ko ang masamang tao na nang-aapi.
Gusto niyang kilalanin siyang mataas kaysa sa iba,
katulad ng mataas na punongkahoy ng Lebanon.
36Nang siyaʼy aking balikan, siyaʼy wala na;
hinanap ko siya ngunit hindi ko na nakita dahil siyaʼy patay na.
37Tingnan mo ang taong totoo at matuwid.
May magandang kinabukasan at may tahimik na pamumuhay.
38Ngunit lilipulin ang lahat ng masama,
at ang kinabukasan nila ay mawawala.
39Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon.
Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan.
40Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama,
dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.
Copyright information for TglASD