Psalms 49
Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan
1Makinig kayo, lahat ng bansa,kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
2Dakila ka man o aba,
mayaman ka man o dukha, makinig ka,
3dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
4Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.
5Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
6Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
at dahil dito ay nagmamayabang.
7Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
kahit magbayad pa siya sa Dios.
8Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
hindi sapat ang anumang pambayad
9upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
at hindi na mamatay.
10Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
Doon sila mananahan,
kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
mamamatay din siya katulad ng hayop.
13Ganito rin ang kahihinatnan ng taong nagtitiwala sa sarili,
na nasisiyahan sa sariling pananalita.
14Silaʼy nakatakdang mamatay.
Tulad sila ng mga tupa na ginagabayan ng kamatayan patungo sa libingan. ▼
▼libingan: o, Sheol.
(Pagsapit ng umaga, pangungunahan sila ng mga matuwid.)
Mabubulok ang bangkay nila sa libingan,
malayo sa dati nilang tirahan.
15Ngunit tutubusin naman ako ng Dios
mula sa kapangyarihan ng kamatayan.
Tiyak na ililigtas niya ako.
16Huwag kang mangamba kung yumayaman ang iba
at ang kanilang kayamanan ay lalo pang nadadagdagan,
17dahil hindi nila ito madadala kapag silaʼy namatay.
Ang kanilang kayamanan ay hindi madadala sa libingan.
18Sa buhay na ito, itinuturing nila na pinagpala sila ng Dios,
at pinupuri din sila ng mga tao dahil nagtagumpay sila.
19Ngunit makakasama pa rin sila ng kanilang mga ninunong namatay na,
doon sa lugar na hindi sila makakakita ng liwanag.
20Ang taong mayaman na hindi nakakaunawa ng katotohanan
ay mamamatay katulad ng mga hayop.
Copyright information for
TglASD