‏ Psalms 69

Ang Dalangin ng Taong Inuusig

1O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
2Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
3Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
4Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
5O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
6O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
7Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
8Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
9Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,
sa inyong templo: sa literal, sa inyong bahay.
halos mapahamak na ako.
Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
ginagawa nila akong katatawanan.
12Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.
19Alam nʼyo kung paano nila ako hinihiya at iniinsulto.
Alam nʼyo rin kung sino ang lahat ng kaaway ko.
20Nasaktan ako sa kanilang panghihiya sa akin
at sumama ang loob ko.
Naghintay ako na may dadamay at aaliw sa akin,
ngunit wala ni isa man.
21Nilagyan nila ng lason ang aking pagkain at nang akoʼy mauhaw binigyan nila ako ng suka.
22Habang kumakain sila at nagdiriwang,
mapahamak sana sila at ang kanilang mga kasama.
23Mabulag sana sila at laging manginig.
manginig: Ito ang nasa tekstong Hebreo. Sa Septuagint, magbaluktot.

24Ibuhos at ipakita nʼyo sa kanila ang inyong matinding galit.
25Iwanan sana nila ang mga toldang tinitirhan nila
para wala nang tumira sa mga ito.
26Dahil inuusig nila ang mga taong inyong pinarurusahan,
at ipinagsasabi sa iba ang paghihirap na nararanasan ng mga ito.
27Idagdag nʼyo ito sa kanilang mga kasalanan at huwag nʼyo silang iligtas.
28Burahin nʼyo sana ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay
buhay: o, mga may buhay na walang hanggan.

at huwag isama sa talaan ng mga matuwid.
29Nasasaktan ako at nagdurusa,
kaya ingatan nʼyo ako, at iligtas, O Dios.

30Pupurihin ko ang Dios sa pamamagitan ng awit.
Pararangalan ko siya sa pamamagitan ng pasasalamat.
31Kalulugdan ito ng Panginoon higit sa handog na mga baka.
32Kapag nakita ito ng mga dukha, matutuwa sila.
Lahat ng lumalapit sa Dios ay magagalak.
33Dinidinig ng Panginoon ang mga dukha
at hindi niya nalilimutan ang mga mamamayan niyang nabihag.
34Purihin ninyo ang Dios kayong lahat ng nasa langit,
nasa lupa at nasa karagatan.
35Dahil ililigtas ng Dios ang Jerusalem
Jerusalem: o, Zion.
at muli niyang itatayo ang mga lungsod ng Juda.
At doon titira ang kanyang mga mamamayan at aariin ang lupain na iyon.
36Mamanahin ito ng kanilang lahi
at ang mga umiibig sa Dios ay doon maninirahan.
Copyright information for TglASD