Job 39
1Alam mo ba kung anong panahon ipinapanganak ng ligaw na kambing sa mga bato ang kaniyang anak? Kaya mo bang pagmasdan ang mga usa habang ipinapanganak nila ang mga batang usa? 2Kaya mo bang bilangin ang mga buwan na sila ay nagbubuntis? Alam mo ba ang panahon na kanilang dinadala ang kanilang mga anak? 3Yumuyukod sila at pinapanganak ang kanilang anak, at pagkatapos winawakasan nila ang kanilang mga sakit sa panganganak. 4Ang kanilang mga anak ay lumalakas at lumalaki sa mga damuhan; lumalabas sila at hindi na bumabalik muli. 5Sino ang nagpalaya sa ligaw na asno? Sino ang nagkalag sa mga gapos ng mabilis na asno, 6na ang tahanan ay ginawa ko sa Araba, ang kaniyang bahay sa asin na lupain? 7Tumatawa siya nang may panghahamak sa mga ingay sa lungsod; hindi niya naririnig ang mga sigaw ng kutsero. 8Gumagala siya sa mga bundok bilang kaniyang pastulan; doon siya humahanap ng mga luntiang halaman para kainin. 9Masaya bang maglilingkod sa iyo ang mabangis na toro? Pahihintulutan niya bang manatili sa iyong sabsaban? 10Gamit ang lubid, kaya mo bang pasunurin ang mabangis na toro para mag-araro ng mga tudling? Susuyurin niya ba ang mga lambak para sa iyo? 11Magtitiwala ka ba sa kaniya dahil kahanga-hanga ang kaniyang lakas? Iiwan mo ba sa kaniya para gawin ang iyong tungkulin? 12Aasahan mo ba siyang dadalhin sa bahay ang iyong butil na titipunin para sa iyong giikan? 13Ang mga pakpak ng ostrich ay nagmamalaking pumapagaspas, pero sila ba ang mga pakpak at balahibo ng pag-ibig? 14Dahil iniiwan niya ang kaniyang mga itlog sa lupa, at hinahayaan niyang malimliman sila sa alikabok; 15nalilimutan niyang maaari silang madurog ng paa o maapakan ng isang mabangis na hayop. 16Magaspang ang kaniyang pakikitungo sa kanila na parang sila ay hindi kaniya; hindi siya natatakot na ang kaniyang hirap ay mawalan ng kabuluhan, 17dahil pinagkaitan siya ng Diyos ng karunungan at hindi siya binigyan ng anumang pang-unawa. 18Kapag mabilis siyang tumatakbo, tumatawa siya sa panlilibak sa kabayo at sa sakay nito. 19Binigyan mo ba ng lakas ang kabayo? Dinamitan mo ba ang leeg niya ng kaniyang malambot na buhok? 20Napatalon mo na ba siya na parang balang? Ang katanyagan ng kaniyang pagsinghal ay nakakatakot. 21Yumayabag siya sa kapangyarihan at nagagalak sa kaniyang kalakasan; tumatakbo siya nang mabilis para salubungin ang mga sandata. 22Kinukutya niya ang takot at hindi nasisiraan ng loob; hindi siya umaatras sa espada. 23Ang suksukan ng mga palaso ay kumakalampag sa kaniyang tagiliran, kasama ang kumikintab na sibat at dyabelin. 24Nilulunok niya ang lupa nang may bagsik at matinding galit; sa tunog ng trumpeta, hindi siya makatayo sa isang lugar. 25Tuwing tutunog ang trumpeta, sinasabi niyang, ‘Aha!’ Naaamoy niya ang labanan sa malayo— ang dumadagundong na mga sigaw ng mga kumander at mga hiyawan. 26Sa pamamagitan ba ng karunungan mo nakakalipad ang lawin, na inuunat niya ang kaniyang mga pakpak papuntang timog? 27Sa mga utos mo ba umaakyat ang agila at gumagawa ng kaniyang pugad sa matataas na lugar? 28Naninirahan siya sa mga bangin at ginagawa ang kaniyang tahanan sa mga tuktok ng mga bangin, isang matibay na tanggulan. 29Mula roon naghahanap siya ng mga biktima; nakikita sila ng kaniyang mga mata mula sa malayo. Ang kaniyang anak ay umiinom din ng dugo; kung nasaan ang mga taong pinatay, naroon siya.” 30
Copyright information for
TglULB