‏ Job 41

1Kaya mo bang palabasin ang leviatan gamit ang kawit sa pangingisda? O igapos ang mga panga niya gamit ang tali? 2Kaya mo bang maglagay ng lubid sa ilong niya, o butasin ang panga niya gamit ang kawit? 3Magsusumamo ba siya sa iyo nang paulit-ulit? Magsasabi ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?

4Gagawa ba siya ng kasunduan sa iyo, na dapat mo siyang gawing alipin magpakailanman? 5Makikipaglaro ka ba sa kaniya nang katulad sa ibon? Itatali mo ba siya para sa iyong mga aliping babae? 6Tatawad ba ang mga pangkat ng mga mangingisda para sa kaniya? Hahatiin ba nila siya para makipagkalakalan sa mga mangangalakal?

7Kaya mo bang punuin ang tagiliran niya ng mga salapang o ang ulo niya ng mga sibat sa pangingisda? 8Ilagay mo ang iyong kamay sa kaniya minsan lamang, at maaalala mo ang labanan at hindi na ito gagawin. 9Tingnan mo, ang pag-asa ng sinumang ginagawa iyon ay kasinungalingan; hindi ba mapapatirapa sa lupa sa pagtingin lamang sa kaniya?

10Walang matapang na maglalakas-loob na pukawin ang leviatan; sino ngayon, ang makatatayo sa harap ko? 11Sino ang unang nagbigay sa akin ng anumang bagay na dapat ko siyang bayaran pabalik? Anuman ang nasa ilalim ng buong kalangitan ay sa akin. 12Hindi ako mananahimik tungkol sa mga binti ng leviatan, maging ang tungkol sa kaniyang kalakasan, maging ang kaniyang kaaya-ayang anyo.

13Sino ang makatatanggal ng kaniyang panlabas na takip? Sino ang makapapasok sa kaniyang dobleng baluti? 14Sino ang makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha— napalilibutan ng kaniyang mga ngipin na kakila-kilabot? 15Ang kaniyang likod ay gawa sa mga hanay ng mga kalasag, magkakalapit na katulad ng saradong selyo.

16Magkalapit sila sa isa’t isa na walang hangin na nakapapasok sa gitna nila. 17Magkadugtong sila; magkadikit sila, para hindi sila mapaghihiwalay. 18Kumikislap ang liwanag mula sa kaniyang pagsinghal; ang kaniyang mga mata ay tulad ng talukap ng bukang-liwayway.

19Mula sa bibig niya ay mga nag-aapoy na sulo, ang mga kislap ng apoy ay nagtatalsikan. 20Mula sa mga butas ng kaniyang ilong ay usok katulad ng kumukulong palayok sa apoy na pinaypayan para maging sobrang init. 21Ang kaniyang hininga ay sinisindihan ng mga uling para lumagablab; apoy ang lumalabas sa bibig niya.

22Kalakasan ang nasa leeg niya, at sumasayaw ang takot sa harap niya. 23Magkakadugtong ang mga tupi ng kaniyang laman; nakakapit sila sa kaniya; hindi sila magagalaw. 24Ang kaniyang puso ay kasing tigas ng bato— sa katunayan, kasing tigas ng batong gilingan.

25Kapag tinataas niya ang kaniyang sarili, kahit ang mga diyos ay natatakot; dahil sa takot, umaatras sila. 26Kung tatamaan siya ng espada, wala itong magagawa— at maging ang sibat, palaso at iba pang matulis na sandata. 27Ang tingin niya sa bakal ay parang dayami, at sa tanso ay parang bulok na kahoy.

28Hindi siya mapapatakbo ng palaso; sa kaniya ang mga bato ng tirador ay nagiging ipa. 29Ang mga pamalo ay parang dayami; pinagtatawanan niya ang sumusuray na paglipad ng sibat. 30Ang kaniyang mga pambabang bahagi ay tulad ng mga matatalim na piraso ng basag na palayok; iniiwan niya ang malaking bakas sa putik na para siyang karetang giikan.

31Pinabubula niya ang kailaliman katulad ng kumukulong tubig sa palayok; ginagawa niya ang dagat na parang palayok ng pamahid. 32Pinakikinang niya ang landas na dinaanan niya; iisipin ng isang tao na ang kailaliman ay puti.

33Sa lupa ay walang makapapantay sa kaniya, na ginawa para mamuhay nang walang takot. Nakikita niya ang lahat ng mayabang; siya ang hari ng lahat ng mga anak ng kayabangan.”

34

Copyright information for TglULB