‏ Nahum 1

1Ang pahayag tungkol sa Ninive. Ang Aklat ng Pangitain ni Nahum, ang Elkoshita.

2Si Yahweh ay mapanibughuing Diyos at mapaghiganti; si Yahweh ay mapaghiganti at puno ng poot; naghihiganti si Yahweh sa kaniyang mga kalaban, at ipinagpapatuloy ang galit niya sa kaniyang mga kaaway. 3Banayad si Yahweh sa pagkagalit, at dakila sa kapangyarihan; hindi niya ipahahayag na walang sala ang kaniyang mga kaaway. Si Yahweh ay gumagawa ng kaniyang daan sa ipu-ipo at sa bagyo, at ang mga ulap ay mga alabok ng kaniyang mga paa.

4Sinasaway niya ang dagat at ginagawa itong tuyo; tinutuyo niya ang lahat ng ilog. Mahina ang Bashan, at gayon din ang Carmel; nanlulupaypay rin ang mga bulaklak sa Lebanon. 5Nayayanig ang mga bundok sa kaniyang presensiya at natutunaw ang mga burol; nagsisiguho ang lupa sa kaniyang presensiya, sa katunayan, ang sanlibutan at ang lahat ng taong nabubuhay dito.

6Sino ang makakaharap sa kaniyang poot? Sino ang makakapigil sa bagsik ng kaniyang galit? Ibinubuhos na tulad ng apoy ang kaniyang poot, at nahahati ang mga bato sa pamamagitan niya.

7Si Yahweh ay mabuti, isang tanggulan sa panahon ng kaguluhan at tapat siya sa mga naglalagak ng kanilang tiwala sa kaniya. 8Ngunit gagawa siya ng isang lubos na pagwawakas sa kaniyang mga kaaway sa pamamagitan ng isang malaking baha, at hahabulin niya sila hanggang sa kadiliman.

9Ano ang masamang binabalak ninyong mga tao laban kay Yahweh? Wawakasan niya ito nang lubusan at hindi na magkakaroon ng kaguluhan sa ikalawang pagkakataon. 10Sapagkat magiging sala-salabat silang tulad ng matinik na mga halaman; malulunod sila sa kanilang sariling inumin; lubos silang lalamunin sa pamamagitan ng apoy tulad ng tuyong pinaggapasan. 11May isang titindig mula sa iyo, Ninive, ang siyang nagbalak ng masama laban kay Yahweh, isang taong nagtaguyod ng kasamaan.

12Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Kahit na napakalakas at napakarami ang bilang nila, gayon pa man, sila ay gugupitin; mawawala ang kanilang mga tao. Ngunit ikaw, Juda: Kahit na pinahirapan kita, hindi na kita pahihirapang muli. 13Ngayon aking babaliin ang pamatok ng mga taong iyon paalis sa iyo; sisirain ko ang iyong mga tanikala.”

14At nagbigay si Yahweh ng isang utos tungkol sa iyo, Ninive: “Wala nang kaapu-apuhan ang magdadala ng iyong pangalan. Aking ihihiwalay ang inukit na mga larawan at ang minoldeng mga larawang gawa sa metal mula sa mga tahanan ng iyong mga diyos. Huhukayin ko ang iyong mga libingan, sapagkat napakasama mo.”

Tingnan mo, nasa mga kabundukan ang mga paa ng isang taong nagdadala ng magandang balita, na siyang naghahayag ng kapayapaan! Ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan, Juda, at tuparin ang iyong mga pangako, sapagkat hindi ka na sasalakayin pa ng masasama, siya ay lubos na naihiwalay.

15

Copyright information for TglULB